Blackwater vs NLEX sa finals
MANILA, Philippines - Dumaan sa butas ng karayom ang Blackwater Sports Elite at NLEX Road Warriors bago dinispatsa ang mga nakaharap upang selyuhan ang muling pagtutuos sa PBA D-League Foundation Cup title.
Ang mga laro ay ginawa kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City at sinandalan ng nagdedepensang kampeon Elite ang mga buslo nina Jericho Cruz at Reil Cervantes para maisantabi ang pagkalusaw ng 11 puntos kalamangan sa huling yugto at maitala ang 91-86 panalo laban sa Jumbo Plastic Giants.
Tinabunan ang 69-80 bentahe, nagawa pang lumamang ang Giants sa 3-pointer ni Jeff Viernes, 83-82.
Ngunit gumanti sina Cruz at Cervantes ng tig-apat na puntos para bigyan ang Elite ng 90-86 kalamangan at wakasan ang best-of-three semifinals series sa 2-0 sweep.
Ang mga off-the-bench players na sina Gilbert Bulawan at Mark Cruz ang nanguna sa tropa ni coach Leo Isaac sa kanilang 22 at 14 puntos mula sa pinagsamang 12-of-18 shooting. Si Cervantes ay naghatid pa ng 13 puntos at 9 rebounds habang si Jericho Cruz ay may siyam na puntos at anim dito ay ginawa sa huling yugto.
“Nagulat kami sa physical game nila pero sa huli, ang experience na taglay namin ang nagdala sa amin sa panalo,†wika ni Isaac.
Kinuha ng Road Warriors ang karapatan na hamunin uli ang Elite sa Finals nang itakas ang 62-61 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa ikalawang laro.
Ang natatanging 3-pointer ni Kevin Alas sa laro ang nagtabla sa laro sa 60-all bago ibinigay ni Ola Adeogun ang dalawang puntos na kalamangan sa pagsalpak sa da-lawang mahahalagang free throws sa foul ni Brian Ilad, wala ng isang minuto ang nalalabi sa labanan.
Matapos ito ay pinagmasdan ng NLEX ang pagkulapso ng Gems para sa 2-0 panalo.
- Latest