1-0 sa Spurs, Duncan nagpasiklab
SAN ANTONIO — Nagdomina si Tim Duncan sa shaded lane at umiskor ng 27 points para pangunahan ang San Antonio Spurs sa 122-105 paggupo sa Oklahoma City Thunder sa Game 1 ng kanilang Western Conference finals.
Nag-ambag si Manu Ginobili ng 18 points at may tig-16 sina Kawhi Leonard at Danny Green para sa Spurs.
Hindi naman nakaapek-to kay point guard Tony Parker ang kanyang hamstring injury matapos kumolekta ng 14 points at 12 assists para sa San Antonio na sinamantala ang hindi paglalaro ni Oklahoma City defender Serge Ibaka.
“We always want to try to penetrate,’’ ani Parker. “We always want our ball movement, that’s how we play - kick and pitch and stuff like that. You know, obviously it’s a little bit better with (Ibaka) not being in the paint, but we’re still going to try to penetrate and make stuff happen.’’
Tumapos si Kevin Durant ng 28 points at may 25 si Russell Westbrook para sa Thunder.
Ang mga starters ng Thunder na sina Nick Collison, Thabo Sefolosha at Kendrick Perkins ay may pinagsamang 5 points.
Hindi makikita sa aksyon si Ibaka sa postseason dahil sa isang calf injury na kanyang nalasap sa huling panalo nila sa Los Angeles Clippers.
Dahil sa pagpapahinga kay Ibaka ay humakot ang San Antonio ng 66 points sa shaded lane.
Kaagad umiskor si Duncan ng 12 points sa first quarter para sa Spurs, tinalo ang Thunder sa unang pagkakataon ngayong season.
Kumamada si Westbrook ng 12 points para sa Thunder sa third quarter at dinomina si Parker bago siya napigilan ng Spurs sa fourth period. Nilimitahan ng Spurs bench sina Westbrook at Durant sa 7 points sa final quarter.
Ang basket ni Ginobili ang nagbigay sa San Antonio ng 89-82 bentahe sa pagwawakas ng third period hanggang iwanan ang Oklahoma City sa 106-93 sa fourth quarter.
- Latest