Kid Molave paborito sa 1st leg ng Triple Crown
MANILA, Philippines - Sa Linggo pa gagawin ang unang yugto sa 2014 Philracom Triple Crown championship pero ngayon pa lamang ay napapaboran na ang Kid Molave para manalo sa karerang gagawin sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Ang kabayong pag-aari ni Emmanuel Santos ang siyang nanalo sa Philracom Juvenile ChamÂpionship noong nakaraang taon upang kilalanin bilang pinakamahusay na dalawang taong kabayo.
Isang karera pa lamang ang sinalihan ng Kid Molave at nagdomina ito sa 3YO Condition Winners na pinaglabanan sa 1,500-meter distansya sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite noong Mayo 3.
Ang kabayo ay anak ng Indo Mischief sa Unsaid at masasabing gamay din ng Kid Molave ang pista sa ikatlong racing club sa bansa dahil dito ginawa ang Juvenile Championship noong nakaraang taon.
Ang iba pang kalahok sa tampok na karera para sa mga tatlong taong gulang na mga kabayo at inilagay sa distansyang 1,600-metro ay ang Dixie Gold ni Joseph Dyhengo, Kanlaon ni MandaluÂyong City Mayor Benhur Abalos, Low Profile ni Ruben Dimacuha, Matang Tubig ng Jade Bros. Farm and Livestock, Inc, River Mist ng Stormbred Farms, Winter’s Tale ng SC Stockfarm Inc. at coupled entries Kaiserslautern at Tap Dance ni Leonardo Javier Jr.
Sa mga tatakbong ito, ang Kaiserslautern at Winter’s Tale ay mga fillies at binigyan ng handicap weight na 52 kilos habang ang nalalabing kalahok ay mga colts at pinatawan ng 54 kilos handicap weight.
Ang Low Profile ang posibleng maging karibal ng Kid Molave.
Nanalo ang Low Profile sa dalawang karerang sinalihan at hangad ng handlers ng kabayo na mabawian ang Kid Molave matapos matalo sa pagtutuos sa isang PCSO Special Maiden Race noong nakaraang Oktubre.
Ang ikalawang leg ay gagawin sa Hunyo 15 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite at 1,800-metro distansya habang ang ikatlo at huling leg ay sa Hulyo 27 sa San Lazaro sa 2,000-metro. (AT)
- Latest