Power Pinoys ‘di rin umubra sa Iraq South Gas
MANILA, Philippines - Hindi sapat ang mas magandang laro na naipakita ng PLDT TVolution Power Pinoys nang mabigo uli sa South Gas Club Sports ng Iraq, 17-25, 21-25, 21-25 sa classification round ng Asian Men’s Volleyball Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
‘Di tulad sa tinamong 22-25, 19-25, 18-25, pagyuko sa unang pagtutuos sa Group A, masasabing pinagpawisan ngayon ang mga Iraqis dahil nagawang lumamang ng home team sa bawat sets na pinaglabanan.
Pero ang kakulangan ng karanasan sa mga mala-laking laro tulad ng ligang ito na handog ng PLDT Home Fibr at inorganisa ng Sports Core katuwang ang Philippine Volleyball Federation ay lumabas sa mahahalagang tagpo ng laro upang lasapin ng Power Pinoys ang ikatlong sunod na pagkatalo.
“Sa dugout pa lang, I always tell them that defense will make us win. Nagkaroon ng lapses in terms of floor defense,†wika ni Power Pinoys coach Francis Vicente.
Ang 6’6†Bulgarian import na si Aleksandaron Ananiev Metodi ay may 15 kills bukod sa apat na blocks tungo sa 19 puntos. Ilang kills niya ay galing sa back line upang madismaya si Vicente.
Tumapos si Australian import Cedric Legrand taglay ang 13 puntos habang si Peter Torres ay may walong puntos.
Ang dalawa ay nagsanib sa 19 kills para tulungan ang Pilipinas sa 31 attack points at kapos lamang ng apat sa Iraq (35).
Pero may 11-7 bentahe sa blocks ang Iraq sa blocks at marami ring unforced errors ang Power Pinoys, kasama ang mga service errors na dumiskaril sa momentum ng koponan.
“Hindi namin ma-convert ang second chance namin,†wika ni team captain Ian Fernandez. “Nakadikit kami at lumamang pa pero hindi namin ma-sustain. Naging offensive minded din kami at nawala ang depensa,†dagdag nito.
Magtatapos ngayon ang ligang may ayuda pa ng Mikasa, Healthway Medical, Maynilad, Gerflor Spurway, Senoh Equipment, STI, PSC, Makati Mayor Junjun Binay, Pasay City Mayor Antonino Calixto at MMDA Chairman Francis Tolentino at ang Pilipinas ay makiki-pagtuos sa Ah Zahra Al Mina ng Lebanon sa ganap na ika-10 ng umaga para sa ikapitong puwesto. (AT)
- Latest