Training sa Korea advantage ng Power Pinoys
MANILA, Philippines - Ang isang maikling pagsasanay sa Korea ang nagbigay sa PLDT HOME TVolution team ng eksperyensa sa international play sa pagsabak ng Power Pinoys sa Asian Men’s Volleyball Club Championship na magsisimula bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumpiyansa si National coach Francis Vicente sa tsansa ng koponan kontra sa Mongolia sa kanilang laro sa ganap na alas-2 ng hapon matapos ang opening ceremonies na inihanda ng Organizing Committee sa pangunguna ni dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman Philip Ella Juico, sa pakikipagtulungan ng Sportscore at Philippine Volleyball Federation (PVF).
Matatapos ang torneo sa Abril 16.
Ito ang unang pagkakataon matapos ang higit sa isang dekada na magsasalang ng koponan ang bansa sa isang Asian level tournament.
Ang Power Pinoys din ang unang Philippine team na sasabak sa AMCC na inihahandog ng PLDT Home Fibr.
Ang koponan ay binubuo nina JP Torres, Ron Jay Galang, Jeffrey Malabanan, Alnakran Abdilla at actor-sportsman Richard Gomez.
Makakatuwang nila sina Australian players Cedric Legrand at William Robert Lewis bilang imports.
- Latest