Nagparamdam ang kabayong Hagdang Bato
MANILA, Philippines - Tiyak na magiging produktibo uli ang taon para sa mahusay na kabayo na Hagdang Bato kung pagbabasehan ang ipinakita ng kabayo sa unang opisyal na takbo.
Katunggali ang mga hinangaan sa race track tulad ng Tensile Strength at Pugad Lawin, hindi kinailangan ni jockey Jonathan Hernandez na gamitan ang premyadong kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ng latigo tungo sa dominanteng panalo sa pinaglabanang 2014 Philracom Commissioner’s Cup kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Humataw nang husto ang kabayong may lahing Quaker Ridge at Fire Down Under sa pagpasok sa huling 600-metro ng 1,800-metro karera para tulu-yang iwan ang mga inakalang palaban sa karera.
Naorasan ang back-to-back Horse of the Year ng 1:56.8 sa kuwartos na 13’, 24’ 25, 25’ at 28, para kunin ang unang panalo at ang gantimpala na P720,000.00 buhat sa P1.2 milyon na inilaan ng nagtaguyod sa stakes race na Philippine Racing Commission (Philracom).
Ang Pugad Lawin na siyang nakadisgrasya sa Hagdang Bato sa 2013 Presidential Gold Cup at Tensile Strength ay naubos sa kasasabay sa outstanding favorite sa karera.
Ang kabayong hawak ni Pat Dilema na Pugad Lawin na siyang unang bumandera sa karera ay pinalad na pumangatlo habang ang kampeon sa second leg ng Imported/Local Challenge Race na Tensile Strength (DH Borbe Jr.) ay nalagay sa ikaanim na puwesto sa pitong naglaban.
Nakaremate ang naunang nabugaw sa alisan na Leonor ni Fernando Raquel Jr. para pumangalawa sa datingan at maiuwi ang P270,000.00 habang pakonsuwelong P150,000.00 ang nakuha ng Pugad Lawin.
Ang double leg winner sa 2013 Triple Crown na Spinning Ridge (JPA Guce) ang pumang-apat para sa P60,000.00 premyo.
- Latest