Princess Haya namayagpag Manila Horsepower-Philracom Cup
MANILA, Philippines - Nakabuti ang maagang paglayo ng Princess Haya para mapagwagian ang Manila Horsepower-Philra-com Cup noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Anim na kabayo ang nagsukatan sa tampok na karera na nagpakinang sa paggunita ng ikapitong taon ng pagkakatatag ng Manila Horsepower Organization.
Ang apprentice jockey Renz Ubaldo ang siyang gumabay sa limang taong filly na pag-aari ni Aristeo Puyat at kinuha ng tambalan ang isang milyang karera sa 1:44 gamit ang kuwartos na 24’, 25, 26’ at 28.
Ito ang ikalawang opisyal na takbo ng Australian horse sa taon at nakabawi ang Princess Haya mula sa pang-apat na puwestong pagtatapos sa Imported-Local Stakes race na ginawa noong Enero 26 sa Santa Ana Park.
Sa pagbubukas ng aparato ay agad na bumuntot ang Hot And Spicy ni Mark Alvarez at Arriba Amor sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr.
Ang napaborang Arriba Amor ay nalagay pa sa pangalawang puwesto sa back stretch para paniwalaan na naghahanda ang kabayo sa malakas na pagtatapos.
Pero lumamya ang takbo ng kabayong lahok ni Hermie Esguerra at tumapos ito sa ikaanim at huling puwesto.
Ang Yes Yes Yes na hawak ni Pat Dilema ay naunang nabugaw sa alisan ang rumemate para daigin pa ang Hot And Spicy na nalagay sa pangatlong puwesto.
Ang Dy San Diego na sakay ni Kevin Abobo at patok din sa mga mananaya ang pumang-apat bago tumawid ang Kitten’s Champ.
Halagang P180,000.00 buhat sa P300,00.00 prem-yo na handog ng Philippine Racing Commission ang naiuwi ng connections ng Princess Haya habang P67,500.00, P37,500.00 at P15,000.00 ang napagwagian ng Yes Yes Yes, Hot And Spicy at Dy San Diego.
Nagpasok ang win ng Princess Haya ng P18.50 sa win habang pumalo sa P313.00 ang 4-3 forecast.
Ang kabayong lumabas bilang long shot ay ang Vice Edward sa pagdadala ni Alvarez na siya ring lumabas bilang winningest jockey sa araw na ito nang magtala ng dalawang panalo.
Tinalo ng Vice Edward ang Lucky Lohrke sa pagdadala ni class C jockey FA Tuazon para makatikim ng panalo.
Kumabig ang mga nanalig sa husay ng Vice Edward ng P41.00 sa win habang may P134.00 ang 2-4 forecast.
Ang isa pang kabayo na nanalo sa pagdadala ni Alvarez ay ang Balatkayo para sa ikatlong sunod na panalo ng kabayo.
Unang sakay ni Alvarez ito sa Balatkayo matapos ang matagumpay na pagdiskarte ni Jessie Guce.
Ang Yellow Citizen ang siyang pumangalawa sa 1,500-metro karera at ang 7-6 forecast ay mayroong P109.50 sa forecast at P29.00 ang ibinigay sa win.
- Latest