3 NSAs umatras na sa Incheon Asiad
MANILA, Philippines - Tatlong National Sports Associations (NSAs) na ang nagpasabi na hindi sila lalahok sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ang mga ito ay sa larong table tennis, badminton at handball dahil walang atletang papasa sa criteria na itinakda ng Asian Games Task Force sa pamumuno ni PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia kasama sina POC chairman Tom Carrasco Jr., Romy Magat at Dr. Jay Adalem.
Si Adalem na secretary-general din ng handball ay nagbabalak na palakasin muna ang hawak na National team bago sumabak sa mas malalaking kompetisyon.
Plano nilang gawin ito sa pagsali sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand mula Nobyembre 14 hanggang 23.
May 33 sports ang puwedeng salihan ng Pilipinas sa kompetisyong itinakda mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 bago ang paghayag ng di paglahok ng tatlong NSAs na nabanggit.
Sa kasalukuyan ay limang NSAs pa lamang ang tiyak na kasama sa bubuuing delegasyon na tinatantiya na hindi lalampas sa 200 atleta.
Ang mga ito ay sa larangan ng BMX cycling sa katauhan nina Fil-Ams Daniel at Chris Caluag, athletics sa men’s 4x400m relay nina Isidro Del Prado Jr., Edgardo Alejan Jr., Julius Nierras at Archand Christian Bagsit at mga team sports na men’s basketball at rugby at women’s softball.
Hindi naman mawawala sa delegasyon ang kinatawan ng boxing at taekwondo na palagian na naghahatid ng medalya sa mga nakalipas na Asian Games bukod sa wushu, triathlon at weightlifting na sinasabing may nakapasa nang manlalaro sa ipinasang criteria.
Sa linggong ito ay magpapatuloy ang pagpupulong ng TF at mga NSAs para sa mga itinutulak na atleta sa delegasyon. (AT)
- Latest