9 Cebu pugs pasok sa finals
MAASIN City Leyte , Philippines - Hindi nagpapigil ang Cebu City sa pagpapapasok sa kanilang mga boksingero.
Siyam na Cebuanos ang umabante sa gold medal round, habang limang Leyteños at apat na Negrenses ang lalaban sa finals sa PLDT-ABAP Visayas Area Boxing Tournament dito sa Maasin City gym kahapon.
Nagposte si Marvin Pomar ng isang split decision, 2-1, laban kay Rimon Rama ng ALA Gym sa semifinal round sa jr. boys pinweight (46kgs) division bilang pinakahuling Cebu City fighter na pumasok sa finals.
Lalabanan niya para sa gintong medalya si Romie Evale ng Maasin City.
Si Evale na sumibak kay Shaquel Miole ng Maasin City Team B, 3-0, sa kanilang semis match.
Pinayukod ni Giovannie Argate ng Leyte Sports Academy (LSA) si Monsour Grullo ng Maasin City, 3-0, para makatapat si Cebu City bet Marco Pomar na naka-bye sa jr. boys light flyweight (48kgs) category.
Pinatalsik naman ni Kit Ceron Garces ng Cebu City si Evan Maquilling ng Southern Leyte via unanimous decision, 3-0 at makakaharap sa finals si Jeffrey Orello ng Maasin City na nalampasan ang isang standing eight count patungo sa paggupo kay Maasin City Team B pug Leo Domingo Napuli sa jr. boys flyweight (50kgs).
Pumasok din sa finals si Maasin City boxer Marlon Samblaceno mula sa 3-0 panalo kay Jerick Madrazo ng Southern Leyte.
Sasagupain niya para sa ginto si Mario Jaga Jr. ng Bago City na nagpatalsik kay Jumar Aquino ng Maasin City sa jr. boys light bantamweight (52kgs).
Lalaban din sa finals si ALA Gym boxer Jeffrey Estella na nagtala ng isang technical knockout win (TKO) sa 1:12 sa first round kay Julius Da Carpio ng Maasin City.
Makakatapat niya si Aljun Batistil ng Maasin City na naglista ng via split decision 2-1 kay Justin Balanos sa junior boys bantamweight (54kgs).
- Latest



















