Talo na, bayad pa ROS pinagmulta ng P2M
MANILA, Philippines - Pinagmulta ng PBA ang Rain Or Shine ng P2 milyon bunga ng partial walkout na ginawa sa Game six ng Philippine Cup Finals.
Humarap sina team owners Terry Que at Raymond Yu kasama sina Board of Governor Atty. Mamerto Mondragon, coach Yeng Guiao at team manager Boy Lapid kay PBA commissioner Atty. Chito Salud kahapon ng umaga upang pag-usapan ang paglisan sa court na ginawa ng Elasto Painters sa ikalawang yugto.
Sinabi ni Guiao na hindi sadya ang aksyon at siya ang nag-utos sa mga manlalaro na lisanin ang court matapos ang di pagkagusto sa foul na itinawag ng referee kay JR Quiñahan habang binabantayan si Marc Pingris.
May 11:39 sa orasan at lamang ang San Mig Coffee ng 13 puntos, 30-17, nang nangyari ang walkout. Bumalik din ang Elasto Painters matapos magkausap sina Salud at Yu.
Ang aksyon ayon kay Salud ay maikokonsidera bilang partial walkout at may kaukulang kaparusahan sa By-Laws ng liga.
“This is a case of a partial walkout which under the rules is defined as the whole team leaving the playing court and returning to continue to play within the allotted time,†wika ni Salud sa kanyang statement.
“Public interest dictates that walkouts can never be condoned-whether in a finals game or not. A walkout represents a total disregard of the principles and values we want our players and teams to zealously uphold: sportsmanship and the tenet that public and fan interest is paramount,†dagdag ng commissioner.
Ang nakasaad na kaparusahan sa aksyon ng Rain Or Shine ay multa na P2 milyon kaya’t ito ang kaila-ngan nilang bayaran.
“The ROS walkout is hereby penalized the sum of 2 million pesos (Php 2,000,000.00) for subverting public interest and the integrity of the game,†pahayag pa ni Salud.
Tanggap naman ng Elasto Painters ang desisyon na ito kasabay ng hangaring tutuparin din ni Salud ang sinabing reporma sa officiating upang maging pantay at maayos ang tawagan sa papasok na Commissioner’s Cup.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagreklamo ang ROS sa officiating at si Guiao nga ay napatawan ng P100,000.00 multa matapos ang ‘dirty finger’ na ginawa sa Game Three sa semifinals kontra sa Petron Blaze Boosters. (AT)
- Latest