Tupas nakabuntot kay Vicente
MANILA, Philippines - Dadaan sa butas ng karayom ang mga trainers na gustong palitan si Ruben Tupas bilang pinakamahusay sa kanyang hanay.
Matapos ang unang buwan sa taong 2014, si Tupas na kumubra ng P3,524,932.38 premyo noong 2013, ay nakapagtala na ng siyam na panalo at mayroon pang 14 segundo, 10 tersero at 6 na pang-apat na puwestong pagtatapos para magkaroon na ng P195,515.85 premyo.
Ang marka ay naglagay kay Tupas, makailang-ulit ng pina-ngalanan bilang Trainer of the Year, sa pangalawang puwesto ngunit ga-hibla lamang ang layo ni Conrado Vicente na pinangunahan ang kanyang hanay.
May siyam na panalo din si Vicente bukod sa 16 segundo, 6 tersero at 9 kuwarto puwesto tungo sa P195,760.55 premyo.
Hanap ni Vicente sa taong ito ang mahigitan ang pang-apat na puwesto na pagtatapos noong nakaraang taon sa nakuhang P1,873,758.74 gantimpala.
Si Danilo Dela Cruz na pumangalawa kay Tupas noong 2013 sa P2,818,889.96, ay nasa ikatlong puwesto sa P176,470.18 premyo mula sa 10 panalo, 10 segundo at tig-walong tersero at kuwarto puwes-tong pagtatapos.
Dalawa pang hinete ang may 10 panalo at si RP La Rosa na mayroon pang 9-6-2 ikalawa hanggang ikaapat na pagtatapos ang nasa ikaapat bitbit ang P155,484.13 premyo.
Si Renato Hipolito ay mayroon ding 10 panalo bukod sa limang segundo, tatlong tersero at dalawang kuwatro puwesto para mala-gay sa sixth place sa P137,474.62 premyo.
Nasa ikalimang puwesto si Rey Henson sa P147,682.56 (9-6-3-5) habang ang iba pang trainers na nasa ikapito hanggang sampung puwesto ay sina ES Roxas (9-3-10-2) na may P134,139.20, CS Villaya (8-3-11-2) na may P124,937.79, GF Panson (5-9-7-8) na may P107,661.03 at Manuel Vicente (5-5-9-6) na may P103,309.12 premyo.
Malaki pa ang pagbabago na magaganap sa mga susunod na buwan lalo pa’t lalarga na ang malalaking karera.
- Latest