Gross Income nagpasikat
MANILA, Philippines - Sinamantala agad ng Gross Income ang pagpapahinga pa ng mga bigating pangarerang kabayo nang kunin ang unang puwesto sa top horses sa buwan ng Enero.
Kumulekta ang Gross Income ng apat na panalo at tatlong tersero puwesto para kumabig na ng P603,484.12 premyo na siyang pinakamalaki matapos ang unang buwan sa taong 2014.
Tinapatan ng kabayong Karapatan ang apat na panalo ng Gross Income na hinawakan ni jockey AM Basilio, sa apat na takbo para malagay sa ikalawang puwesto tangan ang P569,424.79 premyo.
Limang iba pang kabayo ang kumabig na ng tig-tatlong panalo para angkinin ang ikatlo hanggang ikapitong puwesto.
Nalagay sa pangatlo ang Snake Queen sa P480,829.46 sa tatlong panalo at isang segundo puwesto habang ang Proud To Reason na may tatlong panalo ang nakasunod sa P427,659.29 gantimpala.
Ang Work Of Heart na may tatlong panalo at isang pang-apat na puwestong pagtatapos ay may P418,776.98 premyo habang ang Duke Of Windor at Airway na parehong may tig-tatlong panalo ay may P410,972.05 at P401,928.31 tungo sa ikaanim at pitong puwesto.
Ang The Expert, Show Me The Money at Dancing Rags na may iisang 2-1 una at pangalawang puwestong karta ang kumumpleto sa ikawalo hanggang sampung puwesto sa P335,837.31, P335,617.64 at P335,249.88 gantimpala.
Ang mga stakes race winners na Bahay Toro, Classy And Swift at Low Profile ay nasa ibabang puwesto dahil sa limitado pa lamang ang kanilang takbo.
Nasa ika-14th puwesto ang Bahay Toro, ang 1st leg Local 3YO Race , sa P329,071.83 premyo sa isang panalo habang ang 1st leg Imported/Local Challenge champion Classy And Swift ay nasa ika-21 puwesto sa P300,000.00 at angat ito ng isang puwesto sa 3YO Local Colt champion Low Profile na mayroon din P300,000.00 napanalunan sa isang karerang nilahukan. (AT)
- Latest
- Trending