MANILA, Philippines - Ibinuhos ni Dennis Orcollo ang kaalaman sa paglalaro sa 9-ball sa Finals para kunin ang 11-5 dominanteng panalo laban kay Mika Immonen ng Finland sa pagtatapos ng 18th Jay Swanson Memorial 9-Ball Tournament kamakailan sa Hard Times Billiards, Bellflower, California.
Bitbit ang alaala ng mapait na 6-7 pagkatalo kay Immonen sa karera para sa ‘hot seat’, ipinamalas ng Filipino pool player ang kanyang husay sa sargo at pocketing para hirangin bilang kampeon ng kompetisyon sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Noong 2013, tinalo ni Orcollo si Jayson Shaw sa 13-3 dominasyon.
Marami ang nag-akala na mas maganda ang tagisan sa finals sa taong ito matapos patikimin ni Immonen ng pagkatalo ang 35-anyos na nagdedepensang kampeon.
Pero nawala ang ganda ng tumbok ng Finland pool player para makontento sa pangalawang puwesto.
Halagang $3,000.00 ang naisubi ni Orcollo para iangat sa $44,350.00 ang prem-yong napanalunan matapos lamang ang dalawang buwan sa taong 2014.
Ito rin ang ikalimang kampeonato ng tubong Bislig, Surigao Del Sur na noong nakaraang taon ay nakatambal si Lee Van Corteza para pagharian ang World Cup of Pool.
Ang naunang torneo na dinomina ni Orcollo ay ang Derby City Master of the Table, 9-Ball Banks at 14.1 Challenge. Kampeon din si Orcollo sa TAR 38 laban kay Darren Appleton ng Great Britian.
Si Immonen ay nakontento sa $1,500.00 premyo habang ang kababa-yan ni Orcollo na si Carlo Biado ay nag-uwi ng $1,000.00 premyo. (AT)