Dilema nangunguna sa karera ng mga hinete para sa buwan ng Enero
MANILA, Philippines - Magandang panimula ang naipakita ni Patricio Dilema nang pangunahan ang mga hinete sa palakihan ng premyong napanalunan sa buwan ng Enero.
May 81 takbo ang ginawa ng class A jockey na si Dilema at kumabig ito ng 20 panalo, 14 segundo, 15 tersero at 5 kuwarto puwesto para sa nangungunang P418,860.81 premyo.
Ang nanguna noong 2013 na si Jessie Guce ang nasa ikalawang puwesto kapus lamang ng mahigit na P100,000.00.
May 79 takbo ang hinarap ni Guce at nagkaroon na siya ng 13 panalo bukod sa 14 segundo, 12 tersero at 11 kuwarto puwesto para sa pumapangalawang P318,081.57 premyo.
Si Mark Alvarez na ang tampok na panalo sa unang buwan ng 2014 ay sa imported horse na Classy And Swift sa 1st leg ng Philracom Imported/Local Challenge, ang nasa ikatlong puwesto.
May 12 panalo at 12 segundo bukod sa 5 tersero at 7 kuwarto puwesto sa 67 takbo si Alvarez tungo sa P290,237.19 gantimpala.
Si JB Cordova at Fernando Raquel Jr. ang nasa ikaapat at limang puwesto habang ang baguhang si JL Paano ang nasa ikaanim na puwesto, mas mataas sa mga tinitingalang hinete na sina Jonathan Hernandez, JPA Guce, NK Calingasan at Val Dilema na kumumpleto sa unang sampung puwesto.
Bitbit ang 14-8-9-4 sa 66 takbo, si Cordova ay may P268,996.77 habang si Raquel ay mayroong P243,588.93 sa 42 takbo at 14-3-8-5 karta.
Si Paano ay may 10 panalo sa 61 takbo para sa P220,640.25 habang si Hernandez na may anim na panalo pa lamang sa 50 sakay ay may P185,763.78 premyo.
Si Guce ay kumabig na ng P179,109.84, si Calingasan ay mayroong P170,738.45 at si Dilema ay may P158,060.22 premyo.
- Latest