Bakbakan na San Mig vs Rain or Shine
MANILA, Philippines - Sa araw na ito ginugunita ang Araw ng mga Puso, dalawang koponan ang maglalabas ng kanilang mababangis na porma para magbangayan at makauna sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup Finals.
Sa ganap na ika-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, matutunghayan ang Game One sa best-of-seven Finals sa hanay ng Rain Or Shine at San Mig.
Halos isang linggo na napahinga ang Elasto Painters matapos idispatsa sa limang laro ang nakaharap na Petron Blaze Boosters sa kanilang semis series habang nasagad ang Mixers sa kanilang tagisan laban sa number one team na Barangay Ginebra na kanilang kinalos, 110-87, noong Miyerkules ng gabi.
Isang araw lang ang kanilang pahi-nga at preparasyon pero tiwala si Mixers coach Tim Cone na makakasabay ang kanyang mga alipores.
“We’re gonna go in there and see what we can do,†wika ni Cone na hanap ang ika-16th PBA title para makakalas sa pakikisalo sa maalamat na coach na si Virgilio ‘Baby’ Dalupan bilang winningest coach sa tig-15 titles.
Dalawang beses na nagkaharap ang Mixers at Elasto Painters sa elimination round at dalawang beses din silang natalo sa tropa ni coach Yeng Guiao sa 86-83 at 101-77.
Hindi naman nagdiriwang si Guiao sa naunang mga tagumpay dahil ibang labanan ang kanilang haharapin mula sa araw na ito.
“The biggest mistake we can make is to think that we still have San Mig’s number,†bulalas ni Guiao na balak kunin ang ikapitong PBA title pero kauna-unahan sa All-Filipino conference.
- Latest