Petronas pinagtiyagaang ipanalo ni Jesse Guce
MANILA, Philippines - Nakabawi ang kabayong Petronas sa kabiguan sa huling takbo nang mangibabaw sa sinalihang karera noong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Nahuli pa ng alis sa pagbukas ng aparato bilang hudyat ng pagsisimula ng special handicap race sa 1,400-metro distansya, mahusay na napagtiyagaan ni Jesse Guce na hintayin na makondisyon ang kabayo bago tuluyang umarangkada ito.
Ang outer lane ang dinaanan ng tambalan upang maisantabi ang mainit na panimula ng tatlong kabayo na Hello Hello, Magical Boy at Magic In The Air.
Sa pagpasok ng rekta ay nasa ikaapat na puwesto na ito at sa huling 100m ay kumarga pa upang manalo ng halos dalawang dipa sa Hello Hello na sakay ni JL Paano.
Ang tagumpay ang pambawi ng Petronas matapos pumangalawa noong Enero 22 sa pista ng Metro Turf.
Napaboran ang Petronas sa karerang ito at naghatid ang win ng P5.50 habang ang 2-8 forecast ay mayroong P27.00 dibidendo.
Isa pang kabayo na bumawi matapos ang pangalawang puwestong pagtatapos sa nakaraang takbo ay ang Material Ruler sa class division 1C race.
Inilabas ng Material Ruler ang mabangis na kondis-yon nang pangunahan ang karera mula sa pagbubukas ng aparato hanggang sa pagtawid sa meta.
Ang Slum Shots ni JB Bacaycay ang siyang kari-bal ng Material Ruler na ginabayan pa rin ni LF de Jesus at nagbalikatan ang dalawang kabayo sa huling 50-metro.
Ngunit sapat pa ang lakas ng nanalong kabayo na humarurot para sa isang dipang agwat na panalo.
Pumangalawa noong Enero 21 sa Gross Income, ang win ng Material Ruler ay naghatid ng P16.50 habang ang 3-2 forecast ay mayroong P23.50 dibidendo.
Mga liyamado ang nagdomina sa huling araw ng karera noong nakaraang linggo dahil ang lumabas bilang pinakadehado na nanalo ay ang Scarlet Belle na hinawakan ni jockey JB Cordero sa unang karera na Imported Maiden race sa 1,200-metro distansya.
Masasabing hindi nasukat ang nanalong kabayo dahil agad na iniwan ng Scarlet Belle ang mga katunggali upang manalo ng halos apat na dipa sa rumemateng Orient Game.
- Latest