2013 POC-PSC Batang Pinoy national finals 18-gold paglalabanan sa athletics
BACOLOD CITY -- Kaagad na maglalatag ang athletics ng 18 gintong medalya para sa opisyal na pagbubukas ngayon ng Batang Pinoy National Championships 2013.
Ang mga gintong pag-aagawan ay sa boys’ 5,000-meter run, girls’ long jump, boys’ shot put, boys’ high jump, girls’ 2,000m walk, boys’ at girls’ 400m run, boys’ long jump, girls’ shot put, girls’ high jump, boys’ at girls’ 100m hurdles, boys’ at girls’ 100m dash, girls’ 10,000m at boys’ at girls’ 4x4 relay.
Itataya naman bukas ang 16 gold medals para sa ikalawa at huling araw ng athletics competition.
Samantala, apat na gold medal ang ipamimigay sa weightlifting at tatlo sa gymnastics events.
Kumpiyansa si Bacolod City Mayor Monico Puentevella, ang naglunsad ng Batang Pinoy noong 1998, na makikipagsabayan ang kanilang mga atleta sa athletics, swimming, football at lawn tennis.
“Definitely, we will fight for the gold but what is important is the safety of all the participants,†wika ni Puentevella, dating Commissioner ng Philippine Sports Commission (PSC) at Congressman ng Bcolod City.
Ang Batang Pinoy ay para sa mga batang atletang may edad 15-anyos pababa.
Nakatakda ring buksan ngayon ang eliminasyon sa arnis, badminton, basketball 3-on-3, boxing, chess, futsal, karatedo, lawn tennis, sepak takraw, softball, table tennis at volleyball.
Kabuuang 21 sports events ang nakalatag para sa Batang Pinoy National Finals.
Ang athletics ang event na may pinakamaraming gintong medalyang ipamimigay sa bilang na 106 kasunod ang swimming (60), dancesport (60), wrestling (45), karatedo (42), arnis (38), taekwondo (16), weightlifting (15), boxing (15), lawn tennis (14) at badminton (12).
Sa kauna-unahang pagkakataon ay isasagawa ang cheerdance, cheerleading at stunts competition sa gymnastics event.
Sinabi ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) administrator Ron Suva na kabuuang 20 koponan ang kalahok sa nasabing tatlong kategorya.
- Latest