Bumalik ang galling ng Juggling Act
MANILA, Philippines - Nanumbalik ang galing ng Juggling Act para bawiin ang titulong isinuko noong nakaraang taon matapos pagharian ang 2013 Eduardo Cojuangco Jr. Cup noong Linggo sa Malvar, Batangas.
Si Fernando Raquel Jr. ang hinete ng kabayo na nakitaan ng malakas na pagdating tungo sa panalo sa 2,000-metro distansya.
Ang kabayong pag-aari ni Hermie Esguerra at may lahing Giant’s Causeway at Picadilly Circus ang kampeon ng karera noong 2011 pero noong nakaraang taon ay tumapos lamang ito sa pang-apat na puwesto.
Pero malaking-tulong sa tagumpay na ito ang ginawa ng coupled entry na Oh Oh Seven na diniskartehan ni Jonathan Hernandez dahil agad itong sumabay sa tangkang paglayo ng Crucis na paborito sa karerang sinahugan ng P2 milyong premyo ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Si Pat Dilema ang sakay ng Crucis matapos halinhinan ang regular na hinete na si Jeff Zarate at binakbakan ng tambalan ang pag-alagwa ng Gentle Irony at Kornati Island sa pagbukas ng aparato.
Sa pagsapit ng rekta ay nauna na ang Crucis pero tinabihan siya ng Oh Oh Seven. Habang nakatuon si Dilema sa hamon ng kabayo ni Hernandez, hindi nito namalayan ang malakas na pag-arangkada galing sa labas ng Juggling Act para manalo ng kalahating-katawan.
Nabawian ng Juggling Act ang Crucis na nanalo sa huling tunggalian ng dalawa sa 5th Leg ng Imported/Local Challenge sa nasabing pista noong Setyembre upang maibulsa ang P1.2 milyong unang premyo.
Ito na rin ang huling takbo ng pitong taong gulang na Juggling Act para sa magandang pamamaalam.
Ang Crucis na pag-aari ni dating Philracom commissioner Marlon Cunanan at may lahing Southern Image at Dixie Parade ay nakontento sa P450,000.00 habang ang Oh Oh Seven ang kumubra sa P250,000.00. Ang kumumpleto sa datingan ay ang Tritanic upang mahagip ang P100,000.00 gantimpala. Ang Gentle Irony at Kornati Island ang nalagay sa ikalima at anim na puwesto sa datingan. Nasa P15.00 ang win ng Juggling Act habang ang 4-3 forecast ay inabot ng P25.00.
- Latest