Heat nanlamig kay Green
MIAMI -- Ang bawat tira ni Jeff Green ay may bitbit na kumpiyansa.
Ipinakita niya ito nang isalpak ang isang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer para ilusot ang Boston Celtics laban sa two-time champions Miami Heat, 111-110.
“I have confidence in every shot I have,’’ sabi ni Green. “When it left, I had a good feeling it would go in. It went in.’’
Mula sa pasa ni Gerald Wallace ay pinakawalan ni Green sa kanang sulok ng court ang kanyang tres laban sa depensa ni Le-Bron James.
Ang tira ni Green ay kinumpirma ng mga opis-yal matapos ang isang video review na nagbigay sa Celtics ng kanilang ikatlong sunod na panalo.
Umiskor si Wallace ng isang layup sa natitirang 1.6 segundo ng laro para idikit ang Boston sa 108-110 kasunod ang kanyang foul kay Dwyane Wade sa nalalabing 0.6 segundo.
Naimintis ni Wade ang una niyang free throw at sinadyang ibato sa backboard ang pangalawa niyang free throw.
Hindi tumama ang bola sa rim na nagbigay sa Boston ng pagkakataong tumawag ng timeout.
Tumapos si Green na may 24 points at nagtala ng 5-of-8 sa 3-point line.
Nagdagdag si Avery Bradley ng 17 points kasunod ang 15 ni Jordan Crawford para sa Celtics (3-4).
Sa Toronto, umiskor si forward Tyler Hansbrough ng season-best na 23 points para tulungan ang Raptors na tapusin ang kanilang three-game losing skid sa pamamagitan ng 115-91 paggupo sa Utah Jazz.
Winakasan din ng Raptors (3-4) ang kanilang seven-game home losing slump sa Jazz (0-7).
Sa Atlanta, kinuha ng Hawks ang kanilang ika-11 sunod na panalo kontra sa Orlando Magic sa pamamagitan ng 104-94 tagumpay.
Humakot si forward Paul Millsap ng 18 points.
- Latest
















