Zambales M-Builders babangon
MANILA, Philippines - Pagsisikapan ngayon ng Zambales M-Builders ang makabangon matapos lumasap ng unang pagka-talo sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kalaro ng Builders ang gaya nilang baguhan na Wang’s Basketball sa unang laro sa triple-header game sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Galing ang koponan ni coach Junel Mendiola sa 87-91 pagkatalo sa Cagayan Valley noong Martes sa larong nakitaan ng pagbangon ng koponan mula 13 puntos at nakatabla pa sa 87-all sa huling limang segundo.
Ngunit bumigay ang kanilang depensa at naiskoran ng apat para malag-lag sa 1-1 baraha.
Aasahan na gagana uli sina Jett Vidal, Bryan Cruz, Mike Tolomia at Roger Pogoy para sa M-Builders at maisantabi ang palaban ding Wang’s Basketball na may ipinagmamalaking 6’4†average height ng kanilang mga manlalaro.
Ang Mapua center na si Jessie Saitanan, Jonathan Banal, Ronald Ma-cuha at Ervic Vijandre ang mga magtutulung-tulong para sa koponang hawak ni coach Pablo Lucas at pag-aari ni Alex Wang.
Ang Arellano U at Hog’s Breath Café ay mag-uunahan sa paglista ng unang panalo sa ikalawang laro dakong alas-2 habang ang Cebuana Lhuillier ay magbubukas din ng kampanya laban sa Café France sa tampok na laro dakong alas-4.
Si Boyzie Zamar ang tinapik para pangunahan ang Gems na kinuha rin ang core players ng UE.
Ngunit hindi pa tiyak kung makakalaro na si Roi Sumang na may iniindang injury sa pagtatapos ng kampanya sa UAAP.
Sakaling hindi makalaro si Sumang, ang mga beteranong sina Paul Zamar, James Martinez at Raymond Aguilar ang mga magbibigay ng direksyon sa koponang huhugot din ng puntos mula kina Lord Casajeros, Adrian Santos at Mike Noble.
Sina Eliud Poligrates, Mark Sarangan at Josan Nimes ang mga aasahan sa Bakers pero kailangan nilang makakuha ng mas magandang laro sa mga CEU players na kasama upang makabawi sa tinamong 74-83 pagkatalo sa Rising Suns.
Ang Suns ang nagsosolo sa tuktok ng 14-koponang liga sa 2-0 baraha habang ang Boracay Rum at Jumbo Plastic ay mayroong 1-0 karta. (AT)
- Latest