AIBA World Boxing C’ships Tatlong boxers na ang lumusot
ALMATY, Kazakhstan – Sa pamamagitan ng kanyang mabibilis na paa at in-and-out moves, ibinigay ni bantamweight Mario Fernandez sa PLDT-National boxing team ang ikatlong panalo sa kasalukuyang AIBA World Boxing Championships sa magarang Baluan Sholak Palace of Sports dito.
Bagama’t mas mataas ng 4-inches ang kalaban na si Imran Khan ng Guyana, nagpakawala si Fernandez ng 3 to 4 punch combos at umiwas sa mga suntok ng two-time Guyanese national champion na mahahaba ang kamay.
Ibinigay ng judges mula sa Lithuania at Morocco sa 20 gulang na taga-Valencia, Bukidnon ang lahat ng tatlong rounds sa score na 30-27 habang ang Greek judge ay may 30-26 iskor din para sa Pinoy.
Nauna rito, sina Roldan Boncales at Mark Anthony Barriga ay nanalo sa kanilang mga kalabang Guatemalan at Vietnamese ayon sa pagkakasunod. Hindi naman pinalad si Dennis Galvan na nakatapat ng maaga ang tournment No. 10 seed na si Gaybatullla Gadzhialiyev ng Azerbaijan at natalo sa puntos.
Sasabak si Boncales nitong Biyernes laban sa North Korean na si Ri Chung Il, nanalo ng gold kamakailan sa Korotkov Memorial Tournament sa Khabarovsk, Russia.
Muli namang aakyat ng ring si Barriga sa Sabado kontra kay No. 5 seed Yovani Vieira Soto ng Cuba na isa ring London Olympian.
May kabuuang 457 boxers mula sa 100 bansa ang sumali. Bukod sa PLDT, sinuportahan din ng Philippine Sports Commission ang biyahe ng koponan sa Kazakhstan.
- Latest