Lumabas ang bangis ng Army volleybelles
Laro BUKAS
(The Arena, San Juan City)
3 p.m. – Smart-Maynilad
vs Army
MANILA, Philippines - Laro ng isang dating kampeon ang inilabas ng Army nang kunin ang 25-21, 18-25, 12-25, 25-23, 15-10 tagumpay sa kinapos na Smart-Maynilad sa Game Two ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference Final Four kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Isinantabi ng Lady Troopers ang pagkatalo sa ikalawa at ikatlong set at 16-23 iskor pabor sa Net Spikers sa fourth set upang mauwi sa 1-1 ang kanilang best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik pa ang Cagayan Province nang kumpletuhin ang 2-0 sweep sa Air Force gamit ang 27-25, 25-19, 25-15, panalo sa ikalawang laro.
Sa first set lamang nasukat ang Lady Rising Suns nang hawakan ng Air Women ang 24-22 kalamangan.
Ngunit nagtulong-tulong sina Kannika Thipachot, Aiza Maizo at Angeli Tabquero para maipanalo ang lima sa huling anim na puntos na pinaglabanan.
Ito ang ika-14 sunod na pagpapanalo ng Cagayan at mangangailangan na lamang ng dalawa pa para makumpleto ang sweep sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
Nagbida para sa Army si Dahlia Cruz na ipinasok lamang sa huling dalawang sets pero gumawa ng walong hits habang sina Jovelyn Gonzaga, Cristina Salak at Mary Jean Balse ang mga kumamada matapos ang huling tabla sa 6-all sa deciding fifth set.
Si Balse ay may 12 hits mula sa 9 kills at 3 blocks at siya ang umako sa huling tatlong puntos ng Army para manalo sa labang umabot ng isang oras at 51 minuto.
Masakit na pagkatalo ito para sa Net Spikers dahil dalawang puntos na lamang ang kanilang kailangan para umabante na sana sa finals.
May 20 hits si Alyssa Valdez, 19 ang ibinigay ni Lithawat Kesinee habang 17 at 13 ang ginawa nina Wanida Kotruang at Grethcel Soltones ngunit ang mga ito ay nanahimik nang bumangon ang Army.
- Latest