Judiciary lusot sa AFP sa UNTV Cup
MANILA, Philippines - Sinandalan ng Judiciary ang three-point play ni John Hall para itakas ang 73-69 panalo laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 1st UNTV Cup semifinals noong Linggo sa Treston College Gym sa Taguig City.
Si Hall ay gumawa ng 29 puntos at hindi sinayang ang magandang pasa ni Ariel Capus matapos ang isang broken play upang ibigay sa koponan ang 71-69 kalamangan sa huling 31 segundo.
Sinayang naman ng Cavaliers ang dalawang sunod na opensa habang sina Don Camaso at John Herbert Bergonio ay nagtala ng magkasunod na split sa 15-foot line tungo sa final score.
Ang Judiciary na number two seed at may twice-to-beat advantage sa AFP ay umabante sa finals at makakatapat ang number one team na Philippine National Police na naunang dinurog ang PhilHealth, 98-79.
May 12 sa 19 puntos sa huling yugto si Camaso bukod sa 19 rebounds habang si Capus ay may 13 rebounds upang isama sa kanyang walong puntos at tatlong assists.
Si Olan Omiping ay mayroong all-around game na 30 puntos, 9 rebounds at 7 assists habang nagdagdag ng 23 puntos si Julius Criste para maisulong din ng PNP ang malinis na karta sa pitong sunod na panalo.
Ang Finals ay isang best-of-three series at ang Game One ay itinakda sa Oktubre 27 sa nasabing venue.
- Latest