Vang's Girl tinalo ang Arvin Dugo sa EG&I Race
MANILA, Philippines - Nakatulong ang malakas na panimula ng kabayong Vang’s Girl para makuha ang pinaglabanang EG&I Construction Corp. Race noong Huwebes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si EM Raquel ang sumakay sa kabayo at mahusay din ang pagkakagamit niya ng latigo sa rekta para hindi mawala ang init ng Vang's Girl at makapaghatid ng P10,000.00 gantimpala sa kanyang connections na ipinamigay ng nagtaguyod sa karera na si Argao City Mayor Edsel Galeos.
Ang Ian’s Bet, Arvin Dugo at Jahan ang mga naunang umalagwa sa pagbukas ng aparato pero pinahabol agad ni Raquel ang kabayo at mula sa likuran ay hinawakan na ang liderato.
Umalpas ang Arvin Dugo na dala ni JB Bacaycay sa Ian’s Bet para kunin ang ikalawang puwesto at sa huling kurbada ay kasabayan na ang nangungunang Vang’s Girl.
Ilang hagupit ni Raquel ng latigo sa katawan ng dalang kabayo ang nagresulta para muling tumulin ito tungo sa isa’t kalahating dipang panalo.
Ang naipakita ng tambalan ay pambawi rin matapos pumangalawa lamang sa Magatto noong Agosto 31 na ginawa rin sa bagong race track na ito.
Dehado pa ang Vang’s Girl kaya’t nasa P31.00 ang ibinigay sa win at P66.00 naman ang 6-2 forecast.
Mga liyamadong kabayo ang kuminang sa pang-apat na gabi sa isang linggong pista sa tatlong magkakaibang race track ang nangyari at kasama sa kuminang ay ang Ballet Flats.
Ang dating matikas na juvenile horse ay kumubra ng ikalawang sunod na panalo sa buwan ng Setyembre nang manalo sa Mrs. Teapot.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na talunan ang Mrs. Teapot na sakay ni Bacaycay, ng Ballet Flats na dala ni Dar De Ocampo at binigyan ng top weight sa limang naglaban na 56 kilos.
Dikit ang mga benta ng mga kalahok kaya’t uma-bot pa sa P12.00 ang win habang ang 2-1 forecast ay may P23.50 dibidendo.
Ang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Charismatic sa race seven na isang special class division race sa 1,200-metro distansya.
Si Jessie Guce ang hinete ng kabayo na winakasan din ang ilang sunod na pangalawang puwestong pagtatapos nang mangibabaw sa Esprit De Corps ni LT Cuadra.
Ang banderang-tapos na panalo ng Charismatic ay nagpasok ng P5.50 sa win habang P12.00 ang ibinigay sa 3-5 forecast.
- Latest