SBC iniwanan ang JRU
MANILA, Philippines - Maagang nagtrabaho ang San Beda upang iwan agad ang Jose Rizal University para sa 68-54 tagumpay at makasalo uli sa Letran sa liderato sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Nagsilbing puwersa uli ang 6’8†Nigerian center Ola Adeogun sa kanyang 20 puntos, 10 rebounds at 2 blocks habang si Baser Amer na naglaro kahit may sinat, ay naghatid ng 15 at 11 pa ang ibinigay ni Rome dela Rosa tungo sa paghablot ng Lions ng 9-2 baraha.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng San Beda sa Heavy Bombers matapos ang 65-41 tagumpay sa first round ngunit pakonsuwelo sa tropa ni coach Vergel Meneses ay ang ginawang pagsisikap na makabangon pa sa laro kahit inabot ng 20 puntos, 50-30 ang iniagwat ng 3-time defending champions.
Si Balagtas at Paniamogan ay nagsanib sa 30 puntos para sa JRU na bumaba sa 5-6 karta at nakasalo ang mga pahingang St. Benilde at Emilio Aguinaldo College sa ikalimang puwesto.
Samantala, lumawig sa 11 sunod ang pagpapanalo ng San Beda Red Cubs sa 94-74 tagumpay sa Light Bombers sa juniors division.
Nakadikit pa rin ang San Sebastian Staglets nang kunin ang ika-sampung panalo sa 11 laro sa Arellano Braves, 96-73, sa isa pang laro.
- Latest