Matt Bonner bibisitahin ang mga Pinoy fans
MANILA, Philippines - Bibisita si Matt Bonner ng San Antonio Spurs sa bansa para sa NBA Fit and NBA Cares programs.
“The Red Rocket, Matt Bonner of the San Antonio Spurs and NBA Champion will be visiting our shores for #NBACares & #NBAFITPH,†sabi kahapon ni NBA Asia country manager Carlo Singson sa kanyang Twitter account.
Dadalo si Bonner sa NBA Cares event, isang social arm ng NBA, katuwang ang Sun Life Financial sa Biyernes sa Manila Boys Town Complex.
Makakasama ni Bonner sa nasabing event ang mga ulila at walang tahanang mga bata.
Nakilala bilang ‘Red Mamba’ dahil sa kanyang pulang buhok at magandang outside shooting, si Bonner ay magiging bahagi ng NBA Fit Phl ngayong linggo sa Mall of Asia complex sa Pasay City.
Si Bonner, kasama sa Spurs na kumuha ng NBA championship noong 2007 at nanguna sa three-point field goal percentage noong 2011, ay isa lamang sa mga NBA players na bumisita sa bansa matapos sina Kobe Bryant, LeBron James, James Harden at Eric Gordon.
Ilan pang NBA players ang nakatakdang magtungo sa bansa sa susunod na buwan kasama dito si NBA MVP Derrick Rose at ang buong koponan ng Indiana Pacers at Houston Rockets para sa NBA pre-season game sa Oktubre 10 sa MOA Arena.
May mga ulat na dadalhin ng Gatorade sa bansa si Michael Jordan, ang ikinukunsiderang pinakamahusay na basketball player sa mundo.
- Latest