Smart volleybelles nalo pa rin kahit kulang sa tao
MANILA, Philippines - Patuloy ang magandang larong ipinakikita ng Smart kahit kulang sa player matapos igupo ang Philippine National Police, 25-14, 25-15, 25-17 para sa solo lead sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan kahapon.
Nagpamalas si Sue Roces ng impresibong performance sa kanyang 21 hits, 15 sa kills, lima sa service winners at isa mula sa block upang ihatid ang Smart belles sa kanilang ikalawang sunod na panalo at malagay sa itaas ng team standings.
Maganda rin ang ipinakita ni Gretchel Soltones, ang sophomore spiker ng San Sebastian na siyang pinakabata sa koponan sa edad na 17-anyos, sa kanyang 13 hits kabilang ang 11 sa attacks upang pamunuan ang Lady Patrolers.
Sa ikalawang sunod na laro, sumabak ang Smart na may walong players lamang na sina Roces, Soltones, Rubie de Leon, Maruja Banaticla, Charo Sorinao, Melissa Gohing, Nica Guliman at Jem Ferrer.
Siyam dapat sila ngunit ang collegiate superstar na si Alyssa Valdez ay lalaro lamang pagkatapos ng laban ng kanyang Ateneo team sa 76th UAAP beach volleyball tournament na matatapos sa Sept. 15.
Ang Lady Patrolers ay lumasap ng ikalawang sunod na talo.
Sa isa pang laro, nakabawi ang Cagayan Valley sa masamang simula matapos dominahin ang huling dalawang sets tungo sa 25-22, 17-25, 25-14, 25-19 panalo kontra sa Air Force.
Nagsanib sina Thai imports Kannika Thipachot at Phomia Soraya sa 24 hits habang nagpakawala sina Maria Angeli Tabaquero at Aiza ng 21 at 13-puntos ayon sa pagkakasunod upang pangunahan ang Rising Suns.
Ang Smart-PNP showdown ay mapapanood sa GMA News TV Channel 11 sa ala-una ng hapon ngayon habang ang Air Force-Cagayan duel ay ipapalabas sa Lunes sa alauna ng hapon din, ayon sa nag-organisang Sports Vision.
- Latest