Marinx, Matang Tubig magbabalik
MANILA, Philippines - Magbabalik ang mga first leg champions na Ma-rinx at Matang Tubig para magbakasakaling mapalawig ang pagpapanalo sa 2nd leg ng Philracom Juvenile Colts and Fillies Stakes races sa Agosto 25 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Parehong gagawin ang karera sa 1,200-metro distansya at sinahugan ng tig-P500,000.00 na kung saan ang mananalong kabayo ay magpapasok ng P300,000.00 unang gantimpala sa kanyang connections.
Anim na fillies ang makakaharap ng Marinx at ang mga ito ay ang Donttouchthewine, Kukurukuku Paloma, Mona’s Art, Move On, Priceless Joy at Up And Away.
Wala sa pagkakataong ito ang mga kabayong Prize Dancer, Coral Princess at Siling Pula na siyang pumangalawa, pumangatlo at pumang-apat sa first leg na pinaglabanan sa Santa Ana Park.
Apat lamang ang maglalaban-laban sa colts division at ang susukat sa husay ng Matang Tubig ay ang Muchos Gracias, River Mist at Young Turk.
Inaasahan na ang Young Turk, isang PCSO Special Maiden Race winner at pumangatlo sa unang yugto ng serye, ang makakalaban uli ng Matang Tubig sa karerang ito.
May P112,500.00 ang matatanggap ng papangalawang kabayo habang P62,500.00 at P25,000.00 ang mapapasakamay ng mga papangatlo at papang-apat sa datingan.
Samantala pasasarapin ang karera sa gabing ito sa bagong race track dahil sa pagkakaroon ng carry-over sa Winner-Take-All (WTA).
- Latest