River Mist nagpasiklab
MANILA, Philippines - Mahusay na ginabayan ni jockey RR Camañero ang River Mist para manalo sa Philracom Sponsored Charity Race para sa 2YO-Maiden noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Siyam na kabayo pero walo ang opisyal na bilang ang nagsukatan sa 1,200-metro distansya at ang River Mist na naunang sumabay lamang sa mga naunang Proud Papa at Lovely Daughter ay tumodo sa rekta.
Sa huling 100-metro ay nasa unahan na ang kaba-yong lahok ng Stormbred Farm, Inc. at tumakbo kasama ng coupled entry na Little Gem.
Malakas din ang dating ng Coral Princess pero ginamitan ni Camañero ang sakay na kabayo ng latigo para tumulin patungo sa dalawang layo ang agwat sa pumangalawang kabayo na hawak ni Pat Dilema.
Halagang P28.50 ang win ng River Mist habang ang 7-5 forecast ay nagpamahagi ng P36.00 dibidendo.
Naibigay din ng nanalong tambalan sa kanilang connections ang P180,000.00 dagdag gantimpala na galing sa Philippine Racing Commission.
Ang kinita sa charity race na ito ay ibi-nigay sa Association of Philippine Journalist Samahang Plaridel Foundation Inc.
Nakapagpasikat din ang Paris Me-lody na lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Kondisyon ang kabayong pag-aari ni Aristeo Puyat dahil lamang ito mula sa pagbukas ng aparato bago hinigitan ang malakas na pagdating ng Midnight Belle.
Tinapyasan ng Midnight Belle na hawak ni JL Lazaro ang halos tatlong dipang kalamangan ng Paris Melody ni BM Yamzon tungo sa kalahating katawan pero unang naitawid ng nanalong kabayo ang kanyang ulo para sa panalo.
Huling nanalo ang Paris Melody noong Hulyo 21 sa isang class division 1A .
- Latest