Sabal, Tawagin sa Laguna Milo Marathon
MANILA, Philippines - Pinangunahan nina Cresenciano Sabal at Janice Tawagin ang labanan sa Laguna eliminations ng 37th National Milo Marathon Regional Elimination kahapon sa San Pablo City, Laguna.
Inungusan ni Sabal sa huling isang kilometro si Johnny Espana sa 21-kilometrong karera sa bilis na isang oras, 17 minuto at 11 segundo para manalo kay Espana ng 17 segundo.
Pumuwesto sa ikatlo ang beteranong runner na si Bernardo Desamito Jr. sa kanyang oras na 1:19:01.
Nakuha ni Sabal, kampeon sa National Marathon Finals noong 2005, 2007 at 2009, ang P10,000.00 premyo at tropeo bukod sa pagpasok sa National Finals na gagawin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Disyembre 8.
Si Cresenciano ang ikalawang Sabal na nakapasok sa National Finals matapos ang kapatid na si Gerald na naghari sa Lipa City leg sa 1:21:06 oras.
Tinalo naman ni Tawagin (1:33:01) sina Aileen Tolentino (1:36:36) at Marilyn Bernardo (1:42:43 oras).
Tumanggap din ng P10,000.00 si Tawagin.
Nagdaos din ng mga side events at ang nanalo sa 10K ay sina Ferdinand Corpuz (33:47) at Donna Pasco (43:26), sina Jay-Ar Laido (15:18) at Lovely Generoy (18:28) ang kampeon sa 5K, habang ang 3K ay dinomina nina John Edrian Cuenza (11:16) at Allyssa Tamayo (12:34).
- Latest