2 kabayo ipinanalo ni J. Guce
MANILA, Philippines - Dalawang kabayo ang naipanalo ni Jessie Guce para katampukan ang magandang ipinakita sa pagtatapos ng isang linggong pista na nangyari sa bakuran ng Metro Turf Club sa Malvar, Batangas noong Linggo.
Naipanalo ng class A jockey ang mga nirendahang Cataleya at Some Like It Hot upang bukod tanging hinete na nakadalawang panalo sa isinagawang karera sa bakuran ng bagong racing track.
Hindi naman naging madali ang mga nakuhang tagumpay dahil kinailangang pagtiyagaan ni Guce ang pagtulak sa kabayo para manalo sa hamon ng mga determinadong katunggali.
Banderang-tapos ang naitala ng Cataleya sa 3YO Handicap Race na inilagay sa 1,000-metro pero halos isang dipa lamang ang inilayo ng kabayo sa nakasabayang Oh Boy Iam Sweet.
Sa huling 100-metro ng tagisan ay magkasabay pa ang dalawa pero ilang hataw ng latigo ang nagpabilis uli sa Cataleya tungo sa panalo.
Hindi rin nawala ang init ng Some Like It Hot na lumaban sa NHG Handicap Race na pinaglabanan sa 1,200-metro para manaig sa laban na ibinigay ng dehadong Win Lane.
Lumamang pa ang Win Lane na hawak ng apprentice jockey MS Lambojo sa huling 150-metro ng karera pero may itinatagong lakas pa ang Some Like It Hot tungo sa pagposte ng kalahating dipang layo sa meta.
May P22.00 ang dibidendo sa win ng Cataleya habang ang 1-4 forecast ay mayroong P32.00 na ipinamahagi.
Nasa P21.00 ang win ng Some Like It Hot habang ang dehadong kumbinasyon na 4-1 ay may magandang P622.00 sa bawat limang pisong taya sa forecast.
Ang lumabas bilang long shot sa araw na ito ay ang Dare To Dream na nanalo sa class division 1 race six.
Ang mga kabayong Lasting Rose, Conqueror’s Magic, Sweet Victory at Thunder Ribbon ang mga nasa unahan pero nagkaabot ang nasa unahan at mga nasa likod sa rekta.
Dito ay hinataw ni jockey AP Penaflor ang Dare To Dream para maipamalas ang ibayong tulin tungo sa isa’t kalahating dipang agwat sa Lasting Rose sa meta.
May P40.00 ang ipinamahagi sa win habang P397.00 ang ibinigay sa 3-1 forecast.
- Latest