LBC-MVP cyclist nagdomina
MANILA, Philippines - Winalis nina Rustom Lim, Ronald Oranza at Denver Casayuran, mga miyembro ng LBC-MVP Sports Foundation’s national youth team, ang mga nakatayang medalya sa cycling event ng 2013 PSC-POC National Games kahapon.
Inangkin nina Lim, Oranza at Casayuran ang gold, silver at bronze me-dal sa 151.4-kilometer road race para sa elite cyclists sa cycling competition na idinaos sa Tarlac City.
Ang tatlo ay bahagi ng isang eight-man breakaway group bago kumaripas ang 20-anyos na si Lim, ang bronze medalist sa 2013 Asian Juniors Championships sa India, sa huling two-kilometer stretch para sikwatin ang gold medal.
Nagposte si Lim ng tiyempong tatlong oras, 59 minuto at 48.2 segundo para sa kanyang panalo.
Pumangalawa naman si Oranza, tumapos sa top three ng Ronda Pilipinas 2013 noong Enero, mula sa kanyang oras na 4:00.30.9 kasunod si Casayuran na nagtala ng 4:00.32.4 para sa silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
Sa athletics sa PhilSports Arena sa Pasig City, naghagis ng 66.15 meter si Danilo Fresnido ng Laguna para angkinin ang gintong medalya sa men’s javelin throw.
Inungusan ni Fresnido para sa ginto sina Kenny Gonzales (62.10m) ng Run for Change team at Melvin Calano (60.87m) ng Jose Rizal University.
Ang iba pang nagbulsa ng ginto sa kani-kanilang events ay sina Lambert Padua (men’s 10,000m walk) ng UP.
- Latest