Talk ‘N Text vs Ginebra Pahirap na nang pahirap
MANILA, Philippines - Pagkatapos makalusot sa maraming butas ng karayom para marating ang Final 4 ng PBA Commissioner’s Cup, ang reigning three-peat Philippine Cup champion Talk ‘N Text naman ang makakabanggaan ng Barangay Ginebra sa pagsisimula ng kanilang best-of-5 semifinal series sa Smart Araneta Coliseum ngayon.
Nakatakda ang Game 1 ng serye ng Kings at Tropang Texters sa nag-iisang laro ngayon dakong alas-6:45 ng gabi sa Big Dome na inaasahang dudumugin na naman ng malaking crowd.
Bukas naman sa ganap na alas-6:15 ng gabi ang simula ng kabilang best-of-5 semifinal series sa pagitan ng San Mig Coffee at Alaska sa parehong venue.
Nakarating ang Ginebra at Talk ‘N Text sa semifinals sa pamamagitan ng pagpapatumba sa mga mas pinaborang mga koponan sa playoffs. Dalawang beses tinalo ng Kings ang twice-to-beat at No. 2 seed na Rain or Shine sa kanilang quarterfinal series samantalang na-sweep naman ng Tropang Texters ang No. 3 na Petron Blaze sa best-of-3 quarterfinals.
Ang No. 7 seed na Ginebra at sixth-seeded na Talk ‘N Text ang pinakamababang playoff seeds na maghaharap sa isang semifinal series sa loob ng nakaraang apat na conferences o mula nang magharap ang No. 8 Po-werade at No. 5 Rain or Shine sa best-of-7 semifinals ng Philippine Cup noong nakaraang season.
Bukod sa twice-to-win disadvantage sa quarterfinals, narating din ng Kings ang semis bagama’t wala ang reigning league MVP at leading local scorer nilang si Mark Caguioa at ilang key big men na sina Billy Mamaril at Rico Maierhofer na may mga iniindang injuries.
Nanggaling din sa 0-4 at 1-5 na simula sa confe-rence ang Ginebra sa elims dahil hindi agad nakakuha ng maayos na import sa katauhan ni Vernon Macklin na pinalitan si Herbert Hill pagkatapos ng unang tatlong laro ng Kings.
“We started 0-4, 1-5 then we won 5 straight then God tested us again, napilayan si Mark, pati si Billy nawala but iba talaga ang character at confidence ng team na ito kaya nakalusot kami sa lahat lalo na sa Rain or Shine,†pahayag ni Alfrancis Chua na nasa kanyang unang conference lamang bilang head coach ng Kings pero nadala agad sa Final 4 ang koponan sa kauna-unahang beses sa huling anim na confe-rences.
Huling nag-Final 4 ang Ginebra noong 2011 Commissioner’s Cup kung saan natalo ang Kings sa Talk ‘N Text sa best-of-7 finals, 4-2. Ito ang unang paghaharap sa isang playoff series ng dalawang koponang ito mula noon.
Pero ang huling kampeonato ng Ginebra ay limang taon na ang nakaraan, taong 2008 sa Fiesta Conference.
Malaking pader ang nakaharang sa Kings sa pagharap sa Tropang Texters na nag-finals ng anim na beses sa nakaraang pitong conferences at nagkampeon ng apat na beses sa anim na iyon.
- Latest