Nietes patutulugin si Fuentes kapag may pagkakataon
MANILA, Philippines - Makikita sa mga mata ni world light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes ang kagustuhang pabagsakin si Mexican challenger Moises Fuentes.
Parehong tumimbang ng 108 pounds, magtatagpo sina Nietes at Fuentes sa ‘Pinoy Pride XVIII: World Champion vs. World Champion’ ngayong gabi sa Pacific grand ballroom ng Waterfront-Cebu City Hotel and Casino.
Itataya ng 30-anyos na si Nietes (31-1-3, 17 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization light flyweight title kontra sa 27-anyos na si Fuentes (16-1-0, 8 KOs).
“Basta ako, kapag nakakita ako ng pagkakataon na mapabagsak siya, kukunin ko,†sabi ni Nietes kay Fuentes, ang kasalukuyang WBO minimumweight titlist.
Ang Nietes-Fuentes championship fight ay personal na panonoorin ni Mexican boxing great Marco Antonio Barrera (67-7-0, 44 KOs) sa ringside.
Ang 39-anyos na si Barrera ay dalawang beses tinalo ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa kanilang dalawang beses na pagkikita sa ibabaw ng ring.
Kumuha ng isang 11th-round TKO win si Pacquiao sa kanilang unang paghaharap ni Barrera noong Nobyembre 15, 2003 at nagtala ng unanimous decision victory sa kanilang rematch noong Oktubre 6, 2007.
Huling umakyat ng boxing ring si Barrera noong Peb-rero 12, 2011 kung saan niya pinabagsak si Jose Arias sa second round sa kanilang 10-round, non-title fight.
Sa undercard naman ng Nietes-Fuentes duel ay mapapanood din sina WBO Asia-Pacific at WBC Silver super bantamweight titlist Genesis ‘Azukal’ Servania at ang nagbabalik na si Jimrex ‘Executioner’ Jaca.
- Latest