Bowles lalaro na sa San Mig Coffee
MANILA, Philippines - Umaasa ang San Mig Coffee na babalik na sa tamang landas ang kanilang kampanya para matagum-pay na maipagtanggol ang korona sa PBA Commissioner’s Cup sa pagbabalik ni Denzel Bowles.
Maglalaro sa kauna-unahang pagkakataon si Bowles sa Mixers sa kanilang nakatakdang laban kontra sa Rain or Shine ngayong alas-7:30 ng gabi ngayon sa unang pagbisita ng liga sa Mall of Asia Arena ngayong second conference.
Maghaharap naman sa alas-5:15 ng hapon ang Barako Bull at Air21.
Pormal na inabisuhan ng San Mig Coffee kahapon ang PBA Commissioner’s Office na papalitan na ang kanilang import na si Matt Rogers ni Bowles, ang import na naging pinakamalaking dahilan ng kanilang pagkapanalo sa parehong conference na ito noong nakaraang taon.
Pagkatapos matalo sa kanilang unang dalawang laro, ang huli ay isang masaklap na 98-73 na masaker sa kamay ng Petron Blaze noong nakaraang Feb. 13, umaasa ang Mixers na makakatikim na rin sila sa wakas ng unang panalo laban sa Elasto Painters na siya namang kakagaling lang din sa kanilang unang panalo.
Tinalo ng Rain or Shine ang Meralco, 91-82 sa kauna-unahang out-of-town game ng conference noong Sabado sa Puerto Princesa City sa Palawan, isang linggo pagkatapos matalo sa kanilang unang laro sa conference, 83-81 laban sa nangungunang Alaska (3-0).
Kasabay ng pormal na pag-abiso ng San Mig Coffee sa PBA office ng pagpalit ni Bowles kay Rogers ay ang pagpalit din ng Barangay Ginebra kay Herbet Hill sa katauhan ni Vernon Macklin bago ang laro ng Kings kontra sa namamayagpag na Aces bukas sa Tubod, Lanao del Norte.
- Latest