UAAP round-up: La Salle na-sweep ang Ateneo sa women’s volleyball
MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ng nagdedepensang kampeon sa women’s volleyball na La Salle na makaporma ang karibal na Ateneo nang iuwi ang 25-19, 25-23, 25-21, straight sets panalo sa ikalawang pagkikita na nangyari noong Sabado sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.
Ipinamalas ng Lady Archers ang matibay na depensa nang magkaroon ng 18-6 kalamangan sa blocks para kunin ang 2-0 sa kanilang head-to-head at opis-yal na angkinin ang unang puwesto sa eliminasyon sa ika-12 sunod na panalo matapos ang 13 laro.
NU sa finals ng baseball
Hindi sumablay sa limang pagpalo si Aprix Santos, si Herxel Fortunato ay naghatid ng apat na runs, nilimitahan ni pitcher Aris Oruga ang kalaban sa dalawang runs sa 8 1/3 innings na pagpukol upang ibigay sa host at nagdedepensang kampeon National University ang 12-7 panalo sa UST sa playoff ng UAAP baseball noong Linggo sa Rizal Memorial Field.
Bumangon ang koponan mula sa 7-0 kalamangan ng Tigers upang angkinin ang karapatan na labanan ang Ateneo sa finals na sisimulan sa Biyernes (Pebrero 15).
Adamson sweep ang softball elims
May three-run double si Luzviminda Embudo sa third inning para katampukan ang 7-0 panalo ng Adamson sa UE tungo sa 12-0 sweep sa pagtatapos ng softball elimination round noong Sabado sa Rizal Memorial Field.
Ito rin ang ika-32 sunod na panalo ng Lady Falcons mula 2010 season para mamuro sa ikatlong sunod na kampeonato sa torneo.
Dumiretso na sa finals ang tropa ni coach Ana Santiago at hihintayin ang koponang lulusot sa step-ladder semifinals na sisimulan sa Miyerkules.
Unang salpukan ay sa hanay ng UP at UST at ang mananalo ang makakalaban ng host National University sa Biyernes. Dahil pumangalawa sa elims, may twice-to-beat advantage ang Lady Bulldogs sa makakatunggali.
UST inagaw ang liderato sa men’s chess
Nilapa ng UST ang UP, 3-1, upang agawin sa 6-time defending champion FEU ang kalamangan sa men’s chess sa FEU Auditorium. Matapos ang 12 rounds, may 31 puntos na ang Tigers na tumabla sa Adamson, 2-2.
- Latest