Myanmar SEA Games tatalakayin sa POC general assembly
MANILA, Philippines - Hindi malayong magkaroon ng porma ang plano ng bansa patungkol sa pagsali sa 27th SEA Games sa Myanmar sa magaganap na kauna-unahang pagpupulong ng POC general assembly sa taon sa Miyerkules.
Sa Wack Wack Golf and Country Club gagawin ang pagtitipon ng mga NSAs na kasapi ng POC na dapat ay nangyari noong huling Miyerkules ng buwan ng Ene-ro pero inilipat sa Pebrero 6 dahil dumalo ang apat na opisyales ng samahan sa SEAG Federation Meeting sa Myanmar.
Sa general assembly, inaasahang mababanggit ang nangyari sa pagpupulong at malalaman kung ano ang pulso ng kasapi sa pagsali sa SEAG na gagawin sa Disyembre 11-22.
Pilay ang Pilipinas nang bawasan ang malalakas na events sa athletics, swimming at shooting bukod sa pagtanggal sa mga sports na lawn tennis at bowling na kung saan umani ang Pambansang atleta ng pinagsamang 3 ginto, 6 pilak at 4 bronze medals sa 2011 Indonesia SEAG.
Nagsabi na si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia sa pananaw na magpadala na lamang ng limitadong bilang ng atleta dahil hindi pa man nagsisimula ang tagisan ay dehado na agad ang bansa sa host Myanmar na nagpasok ng maraming events na pabor sa kanila.
Pero sa panig ng POC, binanggit naman ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco ang pagnanais na suriin muna ang mga larong inilatag at maglagay ng criteria sa pagpili ng atleta.
Nangangamba ang POC na maaaring may masamang kapalit kung ipipilit ang pagpapadala ng token athletes.
- Latest