Viloria nagsimula na ng intensibong training
MANILA, Philippines - Dalawang buwan bago ang kanyang pagtatanggol sa korona ay maigting na ang ginagawang paghahan-da ni unified world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Itataya ni Viloria ang kanyang mga suot na World Boxing Organization at World Boxing Association flyweight titles kontra kay Mexican challenger Juan Francisco Estrada sa Abril 6 sa Macau S.A.R. sa China.
Ang 22-anyos na si Estrada ang inaasahang magiging pang-limang sunod na Mexican na tatalunin ng 32-anyos na si Viloria.
Tangan ni Viloria ang kanyang 32-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 knockouts, habang bitbit ni Estrada ang kanyang 22-2-0 (18 KOs) card.
Matagumpay na naidepensa ni Viloria ang kanyang WBO belt laban kay Mexican Omar Niño Romero (31-5-2, 13 KOs) matapos ang ninth-round TKO win noong Mayo 13, 2012.
Inagaw naman ni Viloria kay Mexican Hernan ‘Tyson’ Marquez (34-3-0, 25 KOs) ang hawak nitong WBA crown sa pamamagitan ng isang tenth-round TKO win noong Nobyembre 17, 2012 sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California. Nagmula naman si Estrada sa kabiguan kay Mexican WBA light flyweight titlist Roman ‘Chocolatito’ Gonzales (34-0-0, 28 KOs) via unanimous decision noong Nobyembre 17, 2012.
Ang 24-anyos na si Gonzales ang unang nabanggit na hahamon kay Viloria.
- Latest






















