Pinas, iba pang bansa aangal sa pagpapalit ng mga sport ng Myanmar para sa SEA Games

MANILA, Philippines -  Sasama ang Pilipinas sa mga aangal na bansa matapos ang walang abisong pagpapalit ng mga inaprubahang sports ng host Myanmar para sa 2013 SEA Games na itinakda mula Disyembre 11 hanggang 22.

Sa pagdalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon, sinabi ni POC secretary-general Steve Hontiveros na inalis ng Myanmar ang apat na Olympic sport at pinalitan ng mga sports na hindi nilalaro ng lahat ng SEA countries upang mapaboran ang host sa hangad na manalo ng gintong medalya.

Sa komunikasyon na ipinadala ng Myanmar sa  mga SEA countries na natanggap ng POC noong Huwebes, isinaad dito na wala na ang larong gymnastics, badminton, lawn tennis at table tennis at ang ipinasok ay ang vovinam, tarung derajat, kempo at chinlone.

Inalis na rin ang larong water polo sa aquatics.

Sa 2011 Indonesia SEA Games, ang Pilipinas ay kuminang sa lawn tennis sa dalawang ginto, dala-wang pilak at tatlong bronze medals habang may isang bronze sa table tennis. Bokya naman ang Pambansang manlalaro sa badminton at gymnastics. Pilak naman ang bansa sa water polo.

“Hindi naman ito sa medalyang mapapanalunan. Binuo ang SEA Games bilang training ground ng mga atleta para sa Olympics. Ano ang mangyayari kung papalitan ang mga Olympic sports ng mga sports na ilan lamang ang naglalaro?’ ani Hontiveros.

Isa pang ginawa ng host ay ang pagpaparami ng mga events sa traditional boat race at canoe-kayak sa 17 at 16 events.

Idinagdag pa ni Hontiveros na ang Singapore at Malaysia ay umangal na sa aksyong ito ng Myanmar kaya’t naniniwala ang POC official na hindi kakatigan ng mga kasapi ng SEA Games Federation ang pagbabagong ito.

Ang SEAG Federation Council ay magpupulong sa Nay Phi Taw sa Enero 28 at 29 at ang Pilipinas ay kakatawanin  nina Hontiveros, 1st VP Joey Roma-santa, 2nd VP at Chief of Mission Jeff Tamayo at treasurer Julian Camacho.

 

Show comments