PHOENIX -- May 2-0 record ngayon ang Phoenix Suns sa ilalim ni Lindsey Hunter, habang patuloy na hinahanap ng Los Angeles Clippers ang paggiya ni Chris Paul.
Humugot si Goran Dragic ng 19 sa kanyang 24 points sa first half at napanatili ng Suns ang kanilang magandang laro upang talunin ang Clippers, 93-88 na nagbigay kay Hunter ng kanyang ikalawang sunod na panalo bilang interim coach kapalit ni Alvin Gentry.
Nagdagdag naman si Marcin Gortat ng 15 points, kasama ang free throws sa huling 23.3 segundo, kasunod ang tig-14 nina Luis Scola at Markieff Morris para sa Suns. Ito ang pangalawang dikit na ratsada ng Phoenix matapos ang kanilang season-high four-game winning streak.
Sa pang-limang sunod na pagkakataon ay hindi na naman nakalaro si Paul para sa Clippers, nalasap ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan.
May 3-2 record ang Los Angeles habang wala si Paul na dalawang laro pa ang ipapahinga.
Pinangunahan ni Jamal Crawford ang Clippers sa kanyang 21 points, habang may 15 si Eric Bledsoe at 12 si Blake Griffin.
“Our offense was stagnant,’’ ani Griffin. “Our defense wasn’t great. We did a poor job and it starts with me. I have to do a better job of setting the tone early and being a leader out there, especially with Chris not out there.’’
Kinuha ng Suns, tinalo ang Sacramento noong Miyerkules, ang 86-79 kalamangan mula sa layup ni Gortat galing sa pasa ni Dragic sa huling tatlong minuto ng laro.
Sinupalpal ni Bledsoe ang tira ni Dragic at isinalpak ni Crawford ang isang 3-pointer para idikit ang Clippers sa 85-86 sa huling 26 segundo ng laro.