Thunder pinigilan ng Nuggets
DENVER – Umiskor si Kenneth Faried ng go-ahead layup sa overtime at nalusutan ng Denver Nuggets ang 30-plus point performance nina Kevin Durant at Russell Westbrook upang igupo ang Oklahoma City, 121-118, para wakasan ang six-game winning streak ng Thunder.
Umiskor si Corey Brewer ng 26 points, kabilang ang 15 sa fourth quarter upang pangunahan ang Nuggets na nakabawi sa kanilang 20-point loss kontra sa Oklahoma City noong Miyerkules. Nagdagdag si Danilo Gallinari ng 18 points at tumapos si Faried ng 16 points at 10 rebounds.
Ang Thunder, tumalo sa Dallas sa overtime noong Biyernes sa pangunguna ng career-high 52 points ni Durant, ay natalo sa unang pagkakataon matapos masalang sa limang overtime ngayong season. Nakakuha sila ng 37 points mula kay Durant at 36 mula kay Westbrook.
Hindi naging madali ang laro para kay Thunder coach Scott Brooks na namatayan ng 79-gulang na ina noong Sabado.
Sa isang statement ng team, nagpasalamat si Brooks sa kanyang mga kaibigan, pamilya at maging sa buong koponan sa kanilang suporta at sinabi rin niyang gugustuhin ng kanyang ina na mag-coach siya nitong Linggo ng gabi.
“I do so to honor her memory and all that she meant to me as a mother and as an invaluable role model,’’ wika ni Brooks.
Sa Toronto, muling lumasap ang LA Lakers ng pagkatalo nang sila ay yumukod sa Raptors, 108-103 kung saan nagtala si Landry Fields ng season-high na 18 points.
- Latest