Opensa laban sa depensa: Simula na ang giyera ng Talk ‘N Text at Rain or Shine
MANILA, Philippines - Opensa laban sa depensa ang magiging tema ng labanan ngayon ng Rain or Shine at two-time defending champion Talk ‘N Text sa pagsisimula ng kanilang salpukan para sa kampeonato ng 2012-13 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang Game 1 ng best-of-seven finals ng Elasto Painters at Tropang Texters sa alas-6:45 ng gabi.
Pangalawang sunod na kampeonato ang ambisyon ng Rain or Shine na napanalunan ang 2012 Governors Cup noong nakaraang Agosto samantalang pangatlong sunod na titulo sa Philippine Cup at permanenteng pagmamay-ari ng perpetual Emilio Bernardino Trophy na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso ang target naman ng Talk ‘N Text.
Ito ang kauna-unahang paghaharap sa PBA finals ng dalawang koponan na ayon kay head coach Yeng Guiao ay magiging magandang laban dahil sa kanilang magkaibang style.
“Talk ‘N Text is a great offensive team that can play defense and we’re a great defensive team that can play offense. It’s going to be a pretty interesting series,†ayon kay Guiao na hangad ang kanyang unang all-Filipino title sa kanyang 20 season na pagiging head coach sa PBA.
Sinusuportahan ng mga numero ang mga sinabi ni Guiao. Ang Tropang Texters ang No. 1 sa conference sa scoring sa kanilang 93.4 points kada laro at No. 2 sa three-point shooting sa kanilang 34%.
Napanalunan din ng TNT ang 12 sa kanilang 14 laro mula pa sa eliminations kapag nakaka-iskor ng hindi bababa sa 90 puntos sa isang laro. Pero kahit low-scoring ay nagawa pa rin manalo ng Tropang Texters na may 5-2 record kapag hindi nakaka-iskor ng at least 90.
Nilimitahan naman ng Rain or Shine ang kanilang kalaban sa conference sa isang second-best na 85.9 puntos lamang na average sa conference, sunod lamang sa 83.6 ppg allowed ng San Mig Coffee, ang koponang tinalo ng Elasto Painters sa semifinals.
May 11-3 karta ang Rain or Shine sa confe-rence sa mga larong hindi umaabot ng 90 puntos ang mga kalaban nito kumpara sa 4-5 kapag nakakaiskor ng 90 o higit pa.
Mahalaga din para sa parehong koponan ang maka-una sa serye.
Sa buong best-of-7 na kasaysayan sa PBA, 65 sa 94 na koponang nanalo sa Game 1 ang nanalo ng serye sa huli.
- Latest