Rain or Shine ang dehado
MANILA, Philippines - Para kay Rain or Shine head coach Yeng Guiao, sila ang underdog laban sa two-time defending champion Talk ‘N Text sa kanilang best-of-seven championship series para sa titulo ng 2012-13 PBA Philippine Cup na magsisimula bukas sa Smart Araneta Coliseum.
“Dehado kami… Marami na silang championships, kami iisa. Wala kaming superstar. Tawag ko nga sa grupo namin, barya-barya lang,†pahayag ni Guiao sa ginanap na PBA pre-finals press conference kahapon sa Gateway Suites sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City.
Dehado nga sa katunayan ang Elasto Painters sa buong playoffs ng unang conference na ito ng 38th season ng liga kung kaya’t may nais silang patunayan.
“Dehado kami vs. Ginebra, dehado kami vs. San Mig Coffee sa semis, mas lalo na ngayon vs. Talk ‘N Text. But we will try to prove to everyone that our finals entry (and championship) last conference was no fluke, that this team is for real,†dagdag ni Guiao patungkol sa pagkopo ng kanilang unang kampeonato sa liga noong nakaraang Agosto sa 2012 PBA Governors Cup laban sa B-Meg sa finals.
“We’re not trying to be popular. But we want to be the best and we want to entertain people by watching us play the best basketball in the finals,†wika pa ni Guiao, ang coach na may pinakamaraming championships sa kasaysayan ng liga na walang all-Filipino title.
Pero para sa Talk ‘N Text counterpart ni Guiao na si Norman Black, hindi mahalaga kung sino ang paborito o underdog.
“If we’re the favorites, so be it. I don’t care if we’re the favorites or they’re the underdogs because the bottomline is we still have to beat them on the basketball court,†paliwanag ni Black, sabay dagdag na hindi rin mahalaga sa kanya kung hahaba ba o hindi ang serye.
“I don’t really care how long this series goes as long as we get four wins,†wika nito.
Nakatakda sa alas-6:45 ng gabi bukas sa Big Dome ang Game 1 ng best-of-7 title series ng dalawang koponang ngayon lamang maghaharap sa isang cham-pionship series.
Pero dati nang nagharap sa PBA finals sina Black at Guiao noong 1993 Governors Cup nang talunin ng San Miguel Beer ang Swift, 4-1, sa finals.
Ang Talk ‘N Text na nagnanais maging unang koponan sa liga sa loob ng nakaraang 30 taon na magkampeon ng tatlong sunod na all-Filipino conference ay pamumunuan nina dating league MVPs Jimmy Alapag at Kelly Williams, dating two-time finals MVP Jayson Castro, dating National team members Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier, Jared Dillinger at Ryan Reyes, at frontline bruisers Ali Peek at Harvey Carey.
Ang Rain or Shine naman ay pagbibidahan nina Jeff Chan, Jervy Cruz, Gabe Norwood, Beau Belga, JR Quiñahan, Jireh Ibañes at rookie Chris Tiu.
- Latest