Talk ‘N Text nakalapit sa Finals
MANILA, Philippines - Isang panalo na lamang ang kailangan ng two-time defending champion Talk ‘N Text para makapasok sa kanilang pangatlong sunod na All-Filipino Finals.
Ito’y matapos nilang talunin ang Alaska, 99-95, noong Linggo sa SM MOA Arena sa Game 5 ng kanilang best-of-seven semifinals series para sa 2012-13 PBA Philippine Cup kung saan sa pangatlong sunod na pagkakataon sa kanilang serye ay lumamang muli ang Tropang Texters, 3-2.
Nagtatangka ang prangkisa ng TNT na maging unang koponan sa loob ng nakaraang 19 taon sa liga na makapasok sa tatlong sunod na All-Filipino Finals.
Ang huling prangkisang nakagawa nito ay ang Purefoods – ang koponan ng San Mig Coffee ngayon – na nagawa ito sa isang league record na pitong sunod na taon mula 1988 hanggang 1994.
Pero dalawang beses lang nagkampeon ang Purefoods sa pitong sunod na taon nitong inilagi sa Finals ng All-Filipino Conference – noong 1991 sa ilalim ni Ely Capacio at noong 1993 sa piling ni Chot Reyes.
Mas marami pang napanalunang kampeonato sa All-Filipino sa pitong sunod na taon na iyon ang San Miguel Beer – Petron Blaze na ngayon – na nagkampeon ng tatlong beses – noong 1989 (bahagi ng Grandslam), 1992 at 1994.
Ang head coach ng Beermen sa tatlong All-Filipino championships nila sa apat na Finals mula 1988 hanggang 1994 (sila ang tinalo ng Purefoods noong 1993) ay si Norman Black na nasa kanyang unang conference bilang head coach ng Talk ‘N Tex matapos palitan si Reyes na siya nang may hawak ng National basketball program ng bansa at ng mga Smart Gilas National teams.
Matapos pangunahan ang five-peat ng Ateneo Blue Eagles sa UAAP, ang All-Filipino three-peat naman ang binubuo ni Black sa PBA para sa Tropang Texters.
Nagtatangka din si Black na makabalik sa isang PBA Finals matapos ang 12 taon o mula nang huli itong nakapasok noong 2001 nang binigyan niya ang Sta. Lucia ng unang titulo nito sa Governors Cup.
Pero ang huling All-Filipino Finals appearance ni Black ay noong 1994 sa piling ng San Miguel Beer.
Inaasahan ng Talk ‘N Text na dahil sa magic ni Black ay hindi uubra ang sumpa sa mga nananalo sa Game 5.
Ang nagwawagi sa Game 5 matapos magtabla ang mga serye sa 2-all ay laging natatalo sa serye sa huli.
- Latest















