Mig buhay pa: Nakahirit pa ng Game 6 vs RoS
MANILA, Philippines - Binuhay pa ng San Mig Coffee Mixers ang kanilang mga sarili nang talunin ang Rain or Shine, 79-67 kagabi sa Game 5 ng kanilang best-of-seven semifinals sa 2012-13 PBA Philippine Cup playoffs sa Mall of Asia Arena.
Dahil sa panalo na kanilang naitala sa pamamagitan ng solidong se-cond half bagamat nasa bangko ang top player na si James Yap dahil sa foul trouble, naibaba ng San Mig Coffee ang bentahe ng Elasto Painters sa serye sa 3-2 na lamang.
Susubukan muling tapusin ng Rain or Shine ang serye at makapasok sa pangalawang sunod na conference finals sa Game 6 na nakatakda sa January 3 sa Mall of Asia Arena pa rin.
Apat sa starters ng Mixers ang umiskor ng double figures sa pa-ngunguna ng 20 ni Joe Devance at nagtala ng double-doubles sina Marc Pingris (18 points, 10 rebounds) at PJ Simon (16 points, 11 rebounds).
Isang player lamang – si Larry Rodriguez sa kanyang 14 -- ang umiskor ng double figures para sa Rain or Shine na natalo sa kanilang 4-of-26 shooting lamang mula sa three-point range.
Samantala, tatangkain ng Alaska at two-time defending champion Talk ‘N Text na maglagay ng isang paa sa finals sa kanilang paghaharap sa Game 5 ng kanilang sariling best-of-seven semifinal series sa MOA Arena pa rin ngayon.
Makakaharap ng Aces ang Tropang Texters sa alas-5:00 ng hapon na huling laro para sa taong 2012.
Kapag nanalo uli at maging unang koponang manalo ng dalawang sunod sa kanilang serye, isang panalo na lamang ang kailangan ng Alaska para makabalik sa PBA finals na huli nilang nagawa mahigit dalawang taon na ang nakaraan noong 2010 Fiesta Conference.
Iyon din ang huling panalo ng Aces ng kampeonato sa liga.
Nais naman ng Talk ‘N Text na mapalapit sa pang-anim na finals appearance nito sa loob ng nakaraang pitong conferences.
Naitabla ng Aces ang serye sa tigalawang laro pagkatapo ng 104-99 panalo noong Biyernes.
- Latest