MANILA, Philippines - Nasayang na pagkakataon.
Ito ang naging buod sa kampanya ng dalawang local teams sa ASEAN Basketball League nang nakahulagpos sa dating kampeon Philippine Patriots at San Miguel Beermen ang sana’y ikalawang ABL title ng Pilipinas.
Ang may sala ay ang pinalakas na Indonesia Warriors na hinugot si Fil-Am guard Stanley Pringle at mga masisipag na imports na beteranong sina Steven Thomas at Evan Brock. Ang Warriors ang sumibak sa Patriots sa semis kahit taglay ng koponang minanduhan ng rookie mentor na si Glenn Capacio ang home court advantage.
Talunan sa Patriots sa finals ng unang taon ng regional basketball semi-pro league, bumawi ang Warriors nang kunin ang 73-64 tagumpay sa Game 1 sa Ynares Sports Center bago kinumpleto ang dominasyon sa Mahaka Square sa kanilang lugar gamit ang 72-51 demolisyon. Ang di-inaasahang sweep ang tumapos sa problemadong taon ng Patriorts hinggil sa kanilang imports.
Naunang inalis na sa line-up si 2011 Best Import Nakeia Miller at pinalitan ni dating PBA import Chris Alexander.
Pero matapos ang isang laro ay bumalik ng US si Alexander para asikasuhin ang personal na problema dahilan para magdesisyon na ibalik uli si Miller na nawalan na rin ng gana sa paglalaro.
Nagkaroon pa ng liwanag ang Pilipinas na maiuuwi ang titulo nang kalusin ng Beermen ang KL Dragons sa tatlong dikitang laro sa semifinals.
May sapat na puwersa ang tropa ni coach Bobby Ray Parks Sr. dahil bitbit niya ang mga de-kalidad na reinforcements na sina Duke Crews at Nic Fazekas bukod pa sa husay ng locals tulad nina Leo Avenido, Froilan Baguio, Roger Yap at 6’10” center Junmar Fajardo.
Namuro ang Beermen nang kunin ang Game 1 sa Ynares sa dikitang 86-83 iskor pero itinabla ng Warriors ang best-of-three series sa 1-1 sa kumbinsidong 81-61 demolisyon.
Balikatan ang Game 3 at minalas ang Beermen na hindi makapag-execute ng krusyal na play sa huling segundo para ibigay sa bisitang Warriors ang 78-76 panalo. Naibsan kahit paano ang sakit ng mga pagkatalong ito ng Beermen nang si Avenido ang kinilala bilang Best Local Player sa nagdaang season.