MANILA, Philippines - Hindi lamang si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ang hinirang na unified world boxing champion sa taong 2012.
Pinag-isa ni Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ang mga titulo ng World Boxing Organization at World Boxing Association na kauna-unahang nangyari sa flyweight division sapul noong 1965.
Niresbakan ng 32-anyos na si Viloria (32-3-0, 19 knockouts) si Mexican Omar Niño Romero (31-5-2, 13 KOs) mula sa kanyang ninth-round TKO win para sa kanyang ikalawang sunod na pagtatanggol ang flyweight belt noong Mayo 13, 2012 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang WBO belt ay naidepensa muna ni Viloria kontra kay Mexican challenger Giovani Segura (28-2-1, 24 KOs) via eight-round TKO victory noong Dis-yembre 11, 2011 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Matapos ang pagdedepensa sa WBO crown laban kay Romero, itinaya ito ni Viloria kontra kay Mexican WBA titlist Hernan ‘Tyson’ Marquez (34-3-0, 25 KOs).
Isang tenth-round TKO win ang ipinoste ni Viloria para tanggalin kay Marquez ang suot nitong WBA at idagdag sa kanyang WBO title noong Nobyembre 17, 2012 sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California.
Kumonekta ng isang counter left hook ang Fil-American fighter nang sumugod sa kanya ang Mexican sa tenth round.
Nakatayo si Marquez kahit na kumakalog ang mga tuhod, ngunit nirapido siya ng mga suntok ni Viloria kasunod ang paghahagis ng tuwalya ni Mexican chief trainer Robert Garcia para itigil ng referee ang nasabing laban. Si Garcia, ang kasalukuyang chief trainer ni Donaire ay dating cornerman ni Viloria.
“Our game was to slow him down with a body attack. Mainly, we wanted to attack his body and take his power and aggression from him,” ani Viloria kay Marquez. “We knew if he came forward against me, a punch of mine would hurt him, particularly the left hook.”
Unang pinabagsak ni Viloria si Marquez mula sa isang counter right hand sa first round at inulit ito sa fifth round galing sa kanyang one-two combination.
Ito ang unang panalo ni Viloria sa ilalim ni Filipino trainer Marvin Somodio, ang local trainer mula sa Shape-Up Boxing Gym sa Baguio City na dinala sa United States ni trainer Freddie Roach para makatulong niya sa pagpapalakad ng Wild Card Boxing Gym.
Si Somodio ang pumalit kay strength and conditioning coach Alex Ariza nang iwanan nito sa paghahanda si Manny Pacquiao para sa kanyang laban kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo.