Tagumpay ang Hagdang Bato
MANILA, Philippines - Sinelyuhan ng Hagdang Bato ang pagiging pinakamahusay na kabayo na nasilayan sa taong 2012 nang pagharian pa ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Presidential Gold Cup Stakes race kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang inakalang magiging mahigpitan na laban sa pagitan ng premyadong kabayo na sakay ni jockey Jonathan Hernandez at nagdedepensang kampeon na Magna Carta ni jockey JB Guce ay hindi nangyari dahil solong bumulusok ang napaborang kabayo sa pagpasok sa rekta ng 2000-metrong karera.
May respetadong 2:09 tiyempo sa kuwartos na 25, 25, 25’, 24,’ 28’ ang Hagdang Bato na nalagay sa hanay ng ilang mga kabayo na nanalo ng Gold Cup matapos walisin ang Triple Crown Championship.
Personal na kinuha ni horse owner at breeder Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang gantimpala na nagkakahalaga ng P4 milyon na nanggaling sa P3 milyon sa PCSO at P1 milyon sa Philippine Racing Commission.
Bukod pa ito sa breeder’s purse na P200,000 premyo.
Ito ang ika-10 panalo sa taon ng Hagdang Bato at naiangat na nito ang kinita sa mahigit na P12 milyon.
- Latest