Dapudong bigo via split decision
MANILA, Philippines - Luhaan muling uuwi sa Pilipinas si Edrin Dapudong nang mabigo sa hangad na bakanteng IBO super flyweight title matapos ang isang split decision loss kay South African boxer Gideon Buthelezi kahapon sa Emperor Palace Hotel sa Kempton Park, Gauteng, South Africa.
Pinahirapan ni Dapudong si Buthelezi nang paputukin niya ang mukha nito at sa ninth round kasunod ang pagpapabagsak sa South African gamit ang left hook.
Ngunit hindi nagawang tapusin ng North Cotabato boxer si Buthelezi kung saan siya nabiktima ng ‘hometown decision’.
Tanging si judge Reg Thompson ng London ang kumampi kay Dapudong, habang sina Michael Pernick ng US at Tony Nyangiwe ng South Africa ang nagpanalo kay Buthelezi.
Unang laban ito ni Buthelezi matapos ang second round knockout loss niya kay WBC champion Adrian Hernandez ng Mexico noong Setyembre 24, 2011.
Ang 26-anyos na si Buthelezi ay may 13-3 win-loss record ngayon at dating nagkampeon sa IBO minimumweight at light flyweight divisions.
May 22-5 card naman si Dapudong.
Noong Hulyo 2, 2011 ay natalo siya kay Hernan Marquez ng Mexico sa isang third round TKO loss para sa WBA flyweight title. (ATAN)
- Latest