NLEX, Cebuana balak sumosyo
MANILA, Philippines - Ikalawang dikit na panalo na magtutulak uli sa NLEX at Cebuana Lhuillier sa pagsalo sa liderato ang balak nilang kunin sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Trinity University Gym.
May 18-game winning streak na nasimulan noong Enero 31, ang three-time defending champion Road Warriors ay makakatunggali ng Boracay Rum sa ganap na ika-2 ng hapon bago sumunod ang Gems na susubukin ang kumpletong Fruitas Shakers dakong alas-4.
Galing sa 101-71 pagdurog sa Erase Xfoliant, kumbinsido si coach Bo-yet Fernandez na masusu-bok ang lakas ng kanyang bataan kahit ang Waves ay hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang dalawang laro.
“Hindi maaaring basehan ang naunang dalawang laro para sabihin na madaling laro ito para sa amin. Mahusay na coach si coach Lawrence Chongson habang kami naman ay dine-develop pa ang team chemistry dahil maraming bago sa team,” wika ni Fernandez.
Ngunit tunay na mas malalim ang kanyang pag-huhugutan ng puwersa na isa sa kanyang magiging bentahe sa laban.
Sa unang laro ay anim na NLEX players ang umiskor ng mahigit na 10 puntos para ipakita ang lakas sa opensa.
Ang Gems ay nanalo sa Waves, 86-76, ngunit tiyak na mapapalaban sa Fruitas na hanap na balewalain ang pagkabawi ng unang panalo sa Café France, 88-82.
Ginamit ni coach Nash Racela si Joseph Erioubu gayong hindi pa kumpleto ang kanyang mga papeles para makasali sa liga upang mapatawan din ng P25,000 multa.
Hindi man magamit si Erioubu na naglaro sa Mapua, malakas na ang puwersa ng baguhang koponan dahil ang mga manlalaro ng NCAA champion team San Beda sa pangunguna ni 6’7’ center Olaide Adeogun at dating UP Fil-Am guard Mike Silungan ay sasabak na sa aksyon.
- Latest